Banner Before Header

PALAKASIN NATIN ANG WIKANG FILIPINO

0 388
NAPAKAHALAGA ng wika o lengguwahe, — isang pambansang wika — upang mapagkaisa sa isip, sa gawa at hangarin ang mga mamamayan.

Kung may isang pambansang wika, magiging maayos, magaan at mabilis ang daluyan at palitan ng mga ideya upang mabilis na mapalago ang edukasyon, komersiyo, kalakalan, ugnayan,  siyensiya at iba pang aspeto sa pag-unlad ng mamamayan at ng bayan.

Sandata, isang mabisang armas ang wika — na nauunawaan ng mas nakararami — laban sa kamangmangan, at kalasag ito laban sa panlilinlang at kasinungalingan.

Kung walang wika, balakid ito sa mas talastasan at unawaan ng mga tao.

Ang wika ay isang bigkis sa pagkakaisa; gamit ang wika, nailalahad natin ang mga ideya, saloobin, opinyon  at damdamin sa pagkilos para matamo ang kaayusan at mangyari ang mga naisin dahil sa wika.

Ngayon ngang Agosto, muli ay ipinagdiriwang ang Wikang Pambansa – ang wikang Filipino,  na  sinimulan ni dating Pangulong Manuel L. Quezon at deklarasyon na ibatay sa wikang Tagalog ang bubuuin at palalaguing wika na ngayon ay kilala natin sa tawag na wikang Filipino.

Nakita ni MLQ na kailangan na magkaroon ng isang wikang magbibigkis sa mga mamamayan ng Pilipinas na nahahati sa mga arkipelago, mga isla at may kani-kaniyang sariling lengguwahe sa bawat rehiyon.

Kailangan ng bansa ang isang pambansang wika at dahil  Tagalog ang wikang mas ginagamit noon, ito ang opisyal na wika na ginawang batayan sa pag-uusap, talastasan at komunikasyon ng lahat ng mamamayan ng bansa.

Ngayong taon, gaya nang nakagawian, ang pagdiriwang ng Buwan ng Wika ay pinangungunahan ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) at  ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP).

Bahagi sa pagpapayaman ng ating wikang Filipino ay ang paglikha ng mga bagong salita na kakatawan sa ating isip, at ang paglangkap ng iba pang katutubong wika mula sa iba-ibang rehiyon ng bansa at ang panghihiram sa mga wikang dati nating ginagamit na, mula sa English at Espanyol, at iba pang salitang dala ng mga dayuhang naninirahan at nagpasyang dito na sa atin manirahan, at marami sa kanila ay naging mamamayang Filipino na.

Isinasama na rin natin sa wikang Filipino ang mga likhang  hango sa kultura, ugali at mga gamit sa siyensiya, at teknolohiya.

Mga salitang charger, cellphone, load, brief, panty, bikini, siopao, hamburger, internet, kuno, bana, gaba, siyoke,  trapo o tradpol, kudeta, titser, tower, jeep, tricycle, sanitizer, facemask, face shield, quarantine,  at iba pa ay  mga wika na naiintindihan natin at ginagamit na sa araw-araw na pag-uusap at kuwentuhan.

Sa social media, marami tayong natutunang wika na banyaga na Filipino na rin kung ating kilalanin, tulad ng mga dinaglat o pinaikling mga salita tulad ng — ctto. pm, lol, at iba pa, at mula sa teknolohiya tulad ng laptop, mouse, tablet, i-phone. earphone, chat, at mga salitang jejemon, salitang kanto, sward speak at iba pang bagong salita na likha ng millennials.

Kaya napakaunlad ng English dahil “notorious” ito sa panghihiram ng ibang wika, at ganap na inaangking sarili at mas pinayayabong at binibigyan ng sariling tibay at kahulugan, ayon sa kanilang pangangailangan.

Iba ang ginawa ng Indonesia: nagbuo siya ng isang lupon na inatasang ipunin ang lahat ng magagamit at mauunawaang wikang katutubo, kasabay ang paglikha ng ibang wika at ito ay tinawag na Bahasa Indonesia.

Sa simula ay maraming tumutol sa katwirang mahirap na maintindihan at maunawan pero ipinagpatuloy at ngayon, makaraan ang maraming taon, isa na itong buhay na buhay na wikang Pambansa sa Indonesia.

Tinangka itong gawin sa ating bansa, pero marami ang tumutol at sinabing ang wika nila sa rehiyon ang dapat na maging batayan ng wikang pambansa; may mga tumutol sa paglikha ng mga bagong termino sa dahilang mahirap nang bigkasin at maintindihan.

Dahil dito, naging makupad ang paglago ng ating wikang Filipino.

Mas pabor ang marami na gamiting wika ang English kaysa Filipino sa mga opisyal na komunikasyon at talastasan sa mga ahensiya ng gobyerno at pribado, lalo na sa negosyo, edukasyon, siyensiya at teknolohiya.

Mahalaga ang iisang wikang tinatangkilik at nauunawaan ng bawat mamamayan, tulad sa  Japan, China, Korea, Taiwan at iba pang bansa na ikinararangal, ipinagmamalaki ang sariling wika, saan mang panig ng mundo at kasabay naman ay pinalalakas ang kakayahan at kasanayan sa wikang English na ngayon ay kinikilalang pandaigdigang wika ng lahat  ng bansa.

Palakasin natin lagi na, hindi lang tuwing Buwan ng Wikang Filipino, ang ating wikang pambansa.

Palakasin natin sa puso, diwa at kilos ang pagmamahal at pagpapalago at pagpapatibay ng ating iisang wikang atin lamang — ang wikang Filipino!

(Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply