Banner Before Header

Panatilihin ang minimum health protocol

0 97
MAGANDA na ang itinatakbo ng day-to-day operations sa mga opisina ng Bureau of Customs (BOC) sa buong bansa, kasama na ang central office sa Port Area, Manila.

Hindi nahirapan si Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio, katulong ang kanyang mga “trusted lieutenants,” dahil alam naman niya ang mga trabaho sa BOC.

Bilang “insider,” batid na niya ang mga nagpapabagal ng trabaho sa ibat-ibang opisina ng ahensiya.

Ang kailangan na lang niyang gawin ay close monitoring sa mga opisinang ito para malaman kung sinu-sino ang mga nagpapabaya sa trabaho, lalo na sa paglaban sa ismagling.

Mahigpit ang tagubilin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na patigilin ang iligal na pagpasok ng prohibited drugs at produktong agrikultura sa Pilipinas.

Dahil sarado na ang mga shabu laboratory sa bansa, nanggagaling na ng abroad ang shabu, cocaine, kush marijuana at iba pang ipinagbabawal na gamot.

Ang agricultural smuggling naman ang nagpapahirap sa ating mga magsasaka at mangingisda.

Hindi mabenta ang kanilang mga produkto dahil mas maganda at mas mura pa ang imported agricultural products, kabilang na ang mga gulay at isda. Paanong hindi mas mataas ang presyo ng mga produkto natin eh ang taas ng ‘production cost’ sa bansa?

Pero dahil “smooth sailing” na ang day-to-day operations sa mga opisina ng BOC ay kailangan na lang bantayan ni Commissioner Rubio ang  kanyang mga tauhan na naliligaw ng landas.

***

Sa dami ng mga isla sa Pilipinas ay talagang napakahirap patigilin ang outright smuggling.

Ang mga maliliit na sasakyang dagat na lang ang kumukuha ng mga kontrabando, kagaya ng mga sigarilyo at gulay, sa mga malalaking barko sa labas ng ating teritoryo.

Isa pa, kulang na kulang ang Philippine Navy (PN), Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine National Police (PNP) ng patrol boats para bantayan ang ating mga karagatan.

Kung minsan nga ay mas mabilis pa umano ang mga sasakyan ng mga ismagler kaysa mga ginagamit ng ating mga otoridad.

Ang kailangan siguro ay magpakalat ng mga ahente ang BOC para manmanan kung saan dinadala ng ismagler ang mga kontrabando na dala-dala ng mga  foreign ships.

Ito ang nakikita natin isang paraan kung paano matutunton ang mga smuggled imported goods na ipinagbibili sa shopping malls at iba-ibang palengke sa bansa.

Mahirap at magastos rin ang pagtunton sa mga kontrabando na naipapasok sa Pilipinas.

Pero kailangan talagaang matigil na ang agricultural smuggling dahil kawawa na ang mga magsasaka, mangingisda at ang kanilang mga mahal sa buhay. At sa tingin natin, kaya ito ng mga otoridad.

Ang kailangan lang ay buong suporta ng taumbayan kasi sila ang nakakakita sa mga kontrabandong ipinagbibili sa mga pribado at pampublikong tindahan.

***

Idineklara na ng World Health Organization (WHO) na hindi na isang global health emergency ang coronavirus disease 2019 (COVID-19) na nagpahirap sa mundo ng higit dalawang taon.

Dahil dito ay magpupulong ang Department of Health (DOH) at Inter-Agency Task Force (IATF) for Emerging Infectious Diseases para pag-usapan ang deklarasyon ng WHO.

Kung ano man ang mapagkasunduan ng DOH at IATF ay isusumite ang mga ito kay Pangulong Ferdinand R.Marcos Jr. para sa kanyang approval.

Pero marami ang humihiling panatilihin ang mga minimum health protocols na ipinapatupad pa hanggang ngayon kahit hindi na ito mandatory.

Wala naman sigurong masama kung magsuot tayo ng face mask at regular na maghugas ng kamay.

Hindi ba, Undersecretary Maria Rosario Vergeire ng Department of Health?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #09178624484/email: tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan).

Leave A Reply