Banner Before Header

Paninira ng ‘Dilawan’ at ‘maruming media’

0 292
UMAANI ng tagumpay ang mga bakuna galing sa Tsina batay sa testimonya ng mga tao sa iba’t ibang bansa na nabakunahan na, at dumarami pa ang naghihintay na ma-deliver na sa kanila ang libu-libong order nila.

Kaya naman nag-umpisa na namang tumahol ang mga bayarang media sa usapin ng bagong ‘Chinese Coast Guard Law’ na hindi naman talaga isyu kundi lang sa “panggagatong” ng iilan.

Sa takbo ng mga pangyayari na nababalita (fake news) mula sa bayarang media, pinalalaki ng mga kasinungalingan ang isyu ng Chinese Coast Guard Law na ito ay isang banta (daw) sa rehiyon ng Southeast Asia.

Gumamit na naman sila ng isang mangingisda na diumano ay tinaboy at na-bully ng ‘Chinese Coast Guard’ malapit sa ‘Pag-asa Island.’

Pinabulaanan ng ating AFP na walang naiulat ng panggigipit sa ating mangingisda ng CCG. Nasabi rin ni DFA Secretary Teodoro Locsin na wala tayong pakialam sa mga batas ng Tsina, sa kanila ‘yung batas kaya huwag na natin panghimasukan pa.

Pero, paglipas ng 2 araw ay nagpadala rin ng “diplomatic protest” si Sec. Locsin sa Tsina sa pag-udyok ng mga kaibigang maka-US sa kumpas ng awit ni (ex-US State Secretary Mike) Pompeo “we got your back” (kuno) na “linya” rin ngayon ni bagong US Secretary of State Antony Blinken.

Hindi pa nakuntento at dumagdag pa ang mga ahente ng CSIS na sina Greg Poling at Jay Batongbacal  na dinala ng VN Express ng Vietnam ang sinabi ng “US boys” na “act of war” diumano ang Coast Guard Law ng Tsina.

Sa VN Express sinulat na dapat klaro sa mga miyembro ng ASEAN na ang paggamit ng dahas ng Tsina sa kanilang nasasakupang bahagi ng karagatan ay “act of war” o pagkilos tungo sa pakikidigma.

Pahayag na walang katotohanan sapagkat ito ay gagawin na kahit na anong bansa upang ipagtanggol ang kanilang soberenya, karapatan at teritoryo.

Naalala ko yung naganap noong 2013 na ‘Guang Ming Incident,’ isang insidente kung saan ang Philippine Coast Guard ay pinaputukan ang sasakyang pangisda ng Tsina at napatay ang kanilang Kapitan. Iyon ba ay isang pagdeklara ng digmaan?

Kapareho ng sinabi ni Shuxian Luo, ang VN Express ay nagpapahiwatig na ang bagong Coast Guard law ay nagdudulot ng pagkabalisa sa mga bansa sa rehiyon.

Naging isang ‘Tsunami’ ang maliit na bagay na ito na kung titingnan ay isang daloy lang ng tubig.

Ang mga bansa sa ating rehiyon ay nakatingin sa mas malawak at pangmatagalang pakikipag-ugnayan at kooperasyon para sa kaunlaran ng bawat isa.

Ang kabuuan ng mga bansa sa ASEAN ay hindi nakikinig at tumutugon sa panawagang kumilos at paigtingin ang tensyon laban sa Tsina.

Matinong mag-isip ang mga lider na ito, kagaya ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Patuloy ang dayalogo at kooperasyon. Ang pagtatapos ng usapin sa Code of Conduct for the South China Sea ay magbibigay ng matibay na kapayapaan at matatag na samahan sa bahaging ito ng China Sea.

Ang pagtalakay ng mundo sa bagong Coast Guard Law ng Tsina ay paglilinaw kung ano ito at gabay ng mismomg Chinese Coast Guard kung paano nila ipagtatanggol ang kanilang teritoryo, karapatan at soberenya sa karagatan.

Ito rin ay nababatay sa batas pangkalahatan ng mga bansa sa buong  mundo. Ito rin ay isang mabuting gabay para sa lahat sa pakikipag-ugnayan sa Coast Guard ng Tsina. Ito ay para maging matatag ang rehiyon at hindi sandata sa digmaan.

(Samahan si Ka Mentong Laurel at mga panauhin sa “Power Thinks” tuwing Miyerkules @6pm Live Global Talk News Radio (GTNR) sa Facebook at sa Talk News TV sa You Tube; at tuwing Linggo 8 to 10am sa RP1 738khz AM sa radyo.)

Leave A Reply