Banner Before Header

Pati ba naman ‘Bayanihan,’ “sisikilin” pa rin?

0 233
BIGLANG-bigla, naging “patok” ang inisyatibang ‘community pantry’ ng ilan nating mga kababayan na naglalayong makatulong na maibsan ang kahirapan na patuloy na dinaranas nating lahat dahil naman sa mga paghihigpit ng gobyerno ngayong panahon ng pandemya.

Maganda nga naman kasi ang ‘konsepto’ nito— “kumuha batay sa pangangailangan, mag-ambag batay sa kakayahan.”

Sa ganang atin, ang inisyatibang ito ay nagpapakita ng dalawang bagay:

Una, sadyang sa panahon ng matinding krisis at pagkalam ng sikmura, ang ‘Bayanihan’ o pagdadamayan at pagtutulungan ng mga Pilipino ang tanging puwede nating sandalan.

Ikalawa, “bumalik” sa isipan ng mga Pinoy ang diwa ng Bayanihan dahil aminin man o hindi, palpak at hindi epektibo ang inilaang ayuda ng gobyerno.

Naniniwala tayo. Sinsero si Pang. Rody na maibsan ang gipit na kalagayan ng mga Pinoy.

‘Yun nga lang, sa harap ng matinding burukrasya at pagsasamantala ng mga nasa kapangyarihan, nauwi sa wala ang sinseridad at katapatan ng ating mahal na Pangulo.

At hindi lang yan. Patuloy ding binibigo ng korapsyon sa bawat antas ng gobyerno ang ano mang magandang intensyon ni PDU30— partikular ang korapsyon sa DA (usapin ng mura at sapat na suplay ng pagkain) at korapsyon sa FDA/DOH (usapin ng murang medisina at kalusugan nating lahat).

Translation? Kung hindi “nabahura” sa ‘red tape,’ korapsyon, sablay (incompetence) at “kahambugan” ng mga nakaupo sa puwesto ang sinseridad ni Pang. Digong, sa madaling salita, kung naging “maayos” ang administrasyon at pamamahala hanggang sa antas ng ating mga komunidad, hindi na marahil “kikilos” ang ating mga kababayan at maiisip pa itong ‘community pantry,’ tama ba, mga kabayan?

***

At dahil para sa ibang mga bosing sa ating burukrasya ay isang “insulto” at “sampal” sa kanilang mga pagmumukha itong community pantry, ngayon pa lang nakikita nating pinakikilos ang bangis ng burukrasya upang ito ay “sikilin.”

Isinusulat kasi natin ito, aba’y may deklarasyon na agad si DILG undersecretary Martin Diño, na “kailangan” daw ay may “permit” mula sa LGU itong mga nagsulputang CPs, talaga rin naman!

Eh, wala itong pinag-iba sa estilo ng FDA/DOH sa paggamit ng ‘Ivermectin’ at iba pang mga murang gamot panlaban sa Covid-19 (na karamihan ay galing China)—kailangan munang may ‘permit’ sa FDA bago mainom ng publiko!

Anak ng pitong baka, naman, hindi ba mga kabayan?

Higit isang taon na tayo sa pandemya at sa panahong ito, nakita natin at naranasan ang pagiging inutil ng FDA at DOH sa paglaban sa Covid-19 at ngayon, ang gamot na posibleng makatulong sa atin upang huwag tayong mamatay o “dapuan” ng Covid, inilalayo pa sa mga pobreng Pinoy gamit ang restriksyon ng batas at mga regulasyon.

Aber, pakiramdam tuloy ng iba, wala tayo sa isang demokrasya, bagkus, nasa isang sistemang pasista o komunista!

At dito pa rin sa isyu ng mga CPs, may ilan pang mga opisyal ng gobyerno na gusto itong bigyan ng kulay ng “komunismo” dahil ang nasa ‘frontline’ ng proyekto ay mga “aktibista.”

Isa pa, yun daw kasing slogan nito ay ‘Tagalog version’ ng slogan ni Karl Marx— ‘to each according to his needs, from each according to his ability.’

Hmm. Dahil ba “nasapawan” ang gobyerno at mga aktibista ang nasa likod nito, dapat na itong itigil at “kulapulan” ng pagdududa?

Sadya sigurong napakatagal pa bago maging ‘mature society’ ang ating lipunang Pilipino.

Dahil hanggang ngayon, ang ideya at konsepto ng Bayanihan ay kung ano ang pananaw at gustong mangyari ng mga tolongges na opisyales sa gobyerno.

‘Asan ang kalayaan at demokrasya sa estilong ganyan, aber?

Leave A Reply