Banner Before Header

Payagan lang ang ‘substitution’ kung namatay ang kandidato

0 277
PANAHON na para alisin ang patakarang puwedeng umatras ang isang nag-file ng CoC at palitan ng isang ka-partido.

Dapat payagan lang ang ‘substitution’ kung namatay ang naghain ng kandidatura.

Puwedeng umayaw ang naghain ng CoC pero wala nang kapalit para maiwasan ang posibleng “bentahan” ng puwesto.

Sa mga pilahan nga ay marami ang pumipila ng maaga pero ipinagbibili ang puwesto kapag mahaba na ang pila.

Palalabasing kamag-anak niya ang papalit sa pila dahil nahihilo o may emergency ang nakapila.

Magdadahilan ang nagbebenta ng puwesto para hindi magalit ang mga sumusunod sa kanya.

Sa tingin ng marami, hindi tama ang pag-atras at pagpalit nang isang nag-file ng CoC.

Huwag natin kalimutan na kada tatlo at anim na taon lang nagkakaroon ng eleksyon sa bansa.

Ang ibig sabihin niyan ay matagal nang pinag-isipan ang pagkandidato.

Tapos aayaw pagkatapos lang ng ilang araw?

Maliwanag na nanloloko lang!

***

Bumababa na ang bilang ng mga nagkakasakit ng COVID-l9 sa bansa.

Ang maganda nito, dagsa na ang taong gustong magpabakuna laban sa nakamamatay na sakit.

Ang problema naman ngayon, karamihan ay namimili na ng ‘brand’ ng bakuna.

Kung sabagay, hindi na siguro problema ito dahil mukhang hindi na problema ang pagdating ng iba’t ibang bakuna.

Sana nga pagpasok ng Disyembre ay puwede na tayong mag-enjoy nang husto.

Alam naman ng lahat na ang Kapaskuhan ang pinakamasayang selebrasyon sa bansa.

Isa pa, panahon ng eleksyon ngayon at maraming botante ang mamamasko sa mga kandidato.

Ang kawawa ay ang mahihirap na kandidato.

Siguradong magtatago ang mga ito dahil sa walang maibibigay sa mga mamamasko.

Pero kahit na walang maibigay basta deserving na kandidato ay huwag mag-alala.

Nag-iisip na ang mga botante.

***

Kapag inalis na ang mga quarantine restriction ay huwag alisin ang checkpoint sa mga lansangan, lalo na sa mga probinsiya.

Siguradong maraming drayber, lalo na ang mga nagmamaneho ng tricycle ang hindi magbababa ng pamasahe.

Nasanay na silang maningil ng mataas na pasahe.

Kaya kapag puwede ng magsakay ng maraming pasahero ay wala ng dahilan para maningil ng mataas na pasahe.

Kailangang bumalik na sa dating pamasahe.

Kaya huwag alisin ang mga checkpoint para sila ang manita sa mga pumapasadang sasakyan.

Maiiwasan pa natin ang posibleng hindi pagkakaunawaan  ng pasahero at drayber.

Tama ba PNP Chief Guilor Eleazar?

(Para sa komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #(0969) 037 7083/email: tingnannatin08@gmail.com.Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Leave A Reply