KUNG di ngayon kikilos ang gobyerno, tiyak ang pagkawala at pagkasayang ng ating yaman – sa karagatan at sa mga lupang sakahan.
Bakit ko nasabi ito mga masugid kong tagasubaybay?
Kasi nakalulungkot na ang malawak na mayamang dagat ng Pilipinas ay dayuhan ang nakikinabang.
Maraming matatabang lupang matataniman at maaanihan ng masusustansiyang pagkain ang kungdi nakatiwangwang, binabago ang paggamit sa di-maayos na paraan.
Dati po, malaya ang mangingisdang Pilipino sa dagat natin, pero ngayon, lumalapit pa lamang sa dating pangisdaan, bombang tubig na ang isinasalubong ng barkong pangisdaan ng China, at wala kungdi protesta, ngawngaw at iyak lang ang sagot natin sa pambabarasong ito – ng bansang sinasabing tayo ay kaibigan nila.
Hindi na dapat payagan ito ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr.; at hindi lang dapat protesta ang gawin niya, dapat ay magpakita na siya astang ‘golpe de gulat’ nang maisip-isip ng China, hindi tayo kakaning-itik at dapat na tratuhing kaibigan na inirerespeto.
Ngayon na po ang panahon Mr. President BBM para isamoderno, palakasin ang pwersa ng navy at coast guard natin na ang gagawin ay bantayan, patrolyahan ang malawak na pasigan at teritoryong sakop ng ating exclusive economic zone.
Kung pwede lang po, bukod sa barko de giyera, magkaroon tayo ng submarino at makapagpatayo ng base militar sa sakop nating teritoryo sa West Philippine Sea.
Pero sa ngayon, patrolya muna, dagdag na gamit, tao at gamit sa giyera ng mga barko ng navy at coast guard; dagdag na investment sa Armed Forces.
Huwag na po kayo ulit pumayag Mr. President na maulit pa ang laging ginagawang pagharang ng Chinese Coast Guard vessels sa barko natin at pagsaway sa pangingisda natin sa mga bahura na atin nang pinangingisdaan noon pa man.
Pangulong BBM, atin po ang West Philippine Sea, kaya dapat matapang na ipaglaban at igiit ang ating karapatan.
***
Dapat ay hindi tayo takot na ipasunod ang ating panalo sa WPS na desisyon ng Arbitration sa The Hague, ayaw man ng China.
Hindi naman talaga giyera ang solusyon para ipagtanggol at ipaglaban ang WPS, dahil sa ngayon ay wala tayong lakas pa para sa gayong hakbang, pero maipagtatanggol natin ang sarili tulad ng halimbawang ginawa noon ni Indonesian President Widodo.
Noon, hinahabol ng Chinese vessel ang mangingisdang Indonesian, ang ginawa ni Widodo, sa isang barko nagdaos siya ng Cabinet meeting at nang sumulpot ang dayuhang barko, pinalayas, pinasabugan at ano ang nangyari, parang asong bahag ang buntot, tumakas ang mga nambabraso sa karagatang sakop nila.
Dapat ay ganyan din ang gawin ni BBM ang ginawa ni Widodo, at magpakita ang Pilipinas ng golpe de gulat din dahil ang karagatang sinasakop ng China ay tunay na atin.
Naniniwala po ang inyong lingkod na sa panahong ito, hindi mangangahas ang China na pumasok sa gulo, lalo at nagkakaisa ang maraming bansa sa Asia at sa Europa na kailangang maging malaya ang ruta ng daang-barko para sa maayos na daloy ng kalakalan, negosyo at tunay na ispiritu ng pagkakaibigan at pagkamamamayan ng mundo.
***
Sa problema ng food security, dapat ay umaksyon na si Pangulong Marcos na pagalitan at kastiguhin na ang maraming land developer, at ipatigil muna ang conversion ng matatabang lupang agrikulural para gawing lugar ng mga residensiyal at komersiyal.
Aanhin mo nga naman ang bato, kongkreto kung magugutom naman ang tao!
Dapat po Mr. President ay lagi tayo kakampi ng progreso, pero hindi progresong perwisyo sa tao, mas unahin ang Tao, bago ang lahat!
Kinakailangan marahil mahal na Pangulong BBM na, muling rebisahin ang mga batas sa pagpapalit-gamit ng lupa at idisenyo ang mga lupa para sa tirahan ng tao, negosyo at ang lupang gagamitin sa paglikha at pagpaparami ng pagkain.
Ngayon na ang panahon Mr. President na tulungan ng gobyerno ang mga propesyonal, mga akademisyan, tekniko at iba pa, dapat unahing tulungan ang mga magsasaka at trabahador sa lupa.
Kung walang pagkaing sapat sa Pilipinas, ang yayaman ay ang ibang bansa.
Pilipino muna, bago ang ibang tao!
***
Sabi dati ni retired Chief Justice Reynato Puno, dahil sa unitary presidential system of government ay napakasama ng politika sa Filipinas.
Ito ay kanyang binanggit sa isang constitutional convention noong Sept. 2015 sa Legazpi City sa Albay.
Horrible, disastrous daw ang presidential form of government natin na ang sentro ng kapangyarihan ay nakabukod at naiipon sa kamay ng isang pangulo.
Sabi ni CJ Puno, kaya raw tamang maging pambansang bayani si Dr. Jose Rizal kasi noon pa, nais nito na gawing gobyernong federal ang sistema sa ating bansa, at ito kahit paano, makapagbibigay ng mas matino, mas mahusay na serbisyong bayan sa mamamayang Filipino.
Ang totoo, wala namang perpektong sistema, kasi may katiwalian din sa mga bansang federal at parliamentary ang porma ng gobyerno.
Bakit ayaw ng karamihang mambabatas ang gobyernong federal?
Kasi, mas pabor sa mga tiwaling politiko ang maruming sistema natin sa ngayon na katuwang ang ilang ahensya ng gobyerno na nabibili, nasusuhulan at nagagawang takutin ng mga mandarambong na politiko.
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).