Banner Before Header

Political Dynasty, matagal nang problema

0 769
SA KABILA ng mga pagsisikap ni Bureau of Customs (BoC) Commissioner Rey Leonardo Guerrero at ng matatapat niyang katuwang para masikap na maipatupad ang mga reporma sa Aduana, masakit tanggapin, umiiral pa rin ang “padrino system” sa promosyon ng mga opisyal at kawani rito.

Paraang “pera-pera” pa rin umano ang umiiral na sumasandig sa mga padrino ng mga politiko kaya ang mga hindi dapat na maitaas ng puwesto at mabigyan ng responsibilidad ang nailalagay sa tungkulin.

At ang matatapat at puro trabaho lamang ang ginagawa ay malungkot na naiiwanan sa karera ng mga umano’y bumibili ng pagtaas sa tungkulin.

Merito, talino, sipag, katapatan, at matibay na kalooban laban sa tukso ang dapat na maging batayan sa promosyon, hindi ang kung sino ba ang kakilala at kung sino ba ang politikong kakapitan/

Tingnan na lang ang naging promosyon sa ‘Collector V’ kamakailan. Maniniwala ba kayo na ‘yung ‘topnotcher’ sa eksaminasyon, HINDI kasama sa promosyon? Bakit kaya?

Unti-unti nang nailalatag ni Customs Commissioner Guerrero ang kaayusan at matinong BoC para sa paglisan niya sa mga darating na panahon, ang susunod na hahawak ng “timon” sa Customs ay maipagpatuloy ang kanyang nasimulan na mga positibong pagbabago.

***

Aminin na natin kung ang kasalukuyang nakaupong senador at kongresista sa Senado at Kamara de Representates ang aasahan, aabutin pa ng maraming dekada para tuluyang mabura sa mapa ng bansa ang dinastiya ng mga angkan ng politikong “sila-sila” at “kami-kami lamang” ang kultura.

Magkukulang ang mga pahina ng pahayagang ito kung ililista ng inyong lingkod ang pangalan ng mga angkan at pamilyang “sila-sila” na lamang  ang nagpapalitan bilang mayor, governor, konsehal at kongresista sa kanilang mga lugar – na para bang may titulo sila sa kapangyarihan gayong ang puwesto ay dapat na ibinibigay ng mga botante.

Kung namamayani ang political dynasty, hindi naman ito kasalanan lamang ng mga politiko kungdi ng mismong mga botante.

Ayaw nilang itakwil ang mga trapong politika, at may ilang nagtagumpay pero sandali lamang – tulad ng pagwasak ni dating Isabela Governor Grace Padaca sa angkan ng Dy na kalaunan ay muling nakabalik sa kapitolyo at kaangkan din ang mayor at may tangan na iba-ibang halal na puwesto sa lokal na pamahalaan.

Minsang nagtagumpay si Father Ed Panlilio sa Pampanga, pero nabigo uli nang magtagumpay ang kalaban na kilala sa lalawigan at sa buong bansa sa “negosyong jueteng.”

Mananatili ang dinastiya sa politika sa Pilipinas dahil hindi pa rin kasi tumitino ang mga botante, at ang Commission on Elections kahit na nga ito ay gumagamit na ng teknolohiya ng computer ay hindi pa rin matutong magbilang nang wasto at walang daya.

***

Ang kapalaran ng political dynasty ay hindi dapat iasa lamang sa kung meron man na pagtitibaying batas sa Kongreso dahil suntok sa buwan na asahan pa ito – kumbaga, parang nais mong maging butiki ang buwaya at maging dilis ang isang piranha.

Nasa kamay ng mga botante ang pagwasak sa dinastiya, at kung ang masang botante ay patuloy na pasisilaw sa alok na salapi, at magpatatakot at hindi ang pagtitiwala sa sariling lakas ng boto nila, mananatili ang ‘political dynasty’ sa ating bansa.

Ihalal ang mga tunay na magsisilbi sa atin, hindi ‘yung gagamitin ang ating mga balota, upang patuloy tayong apihin at gamitin.

***

‘Yang illegal fishing methods tulad ng paggamit ng dinamita, turol (trawl) at kaladkad at paglason sa katubigan natin ay isa sa malaking problema sa pangisdaan natin.

Dagdag dito ay ang over stocking ng mga isdang inaalagaan sa fishpen sa Taal lake, Laguna de bay at sa iba pang tubig tabang na mga lawa ng bansa.

Ilang ulit nang nangyari ang metriko-metriko toneladang fish kill na sanhi ng pagkalason ng tubig, at idagdag pa rito ang pagtatapon ng mga gagong Pinoy ng mga predator fish tulad ng knife fish, janitor fish at iba pang isda mula sa ibang bansa na umuubos sa likas na isda sa ating katubigan.

Idagdag pa rito ang pagpayag ng mga lokal na opisyal na ang maging may-ari ng fish cages at baklad sa dagat ay mga dayuhang Chinese, Koreano, Japanese at Taiwanese na dahil sa manipulasyon sa batas ay nagawang maging lehitimo ang pagmamay-ari ng kayamanang likas natin at dapat ay Pilipino ang mangalaga at makinabang.

Ang problema kasi kasakiman, sobrang paghahangad sa salapi at pansariling pakinabang ang umiiral sa marami nating “lingkod-bayan.” Kaawa-awang Juan dela Cruz!

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).   

Leave A Reply