Banner Before Header

Probisyon sa ‘political dynasty’ dapat baguhin

0 236
SABI ng Section 26, Article II ng 1987 Constitution: The State shall guarantee equal access to opportunities for public service and political dynasties as may be defined by law.

Mula noon, kung may nagtangka man na magpanukala ng isang anti-dynasty bill, ang tiyak, di ito makapapasa sa House of Representatives na karamihan, magkakamag-anak ang nagpapalitan sa puwesto dahil sa may term limit sa pag-upo ng isang politiko.

May problema ang Section 26, dahil nakasulat “The State shall …” – na sa tingin ko, walang puwersa na obligahin ang mga mambabatas na gumawa ng batas laban sa political dynasty, at kapag ginawa nila, sila ang unang tatamaan.

Sa tingin ko, mas dapat isulat ay “The State MUST guarantee …” sa halip na salitang “Shall.”

Kung sinabi sa batas ay “The State must guarantee …”, ito ay malinaw na utos, obligasyon at responsibilidad ng Estado na gumawa, magpasa at mapagtibay sa isang batas laban sa dinastiya ng mga politikong magkakapamilya.

Isa pang problema sa Section 26 ay paano ba bibigyan ng kahulugan ang salitang “political dynasty,” kasi isa ito sa magdudulot ng matinding debate kung hanggang saan salin ng dugo o relasyon ng magkakapamilya ang pagbabawalang makatakbo sa halalan.

‘Yan ang nakikita kong ilan sa mga problema sa pag-amyenda o sa planong paglikha ng ating bagong Saligang Batas.

***

Kontra sa demokrasya ang political dynasty – na ating nakita sa nakaraang eleksiyon 2022: Hindi isang Marcos lamang ang nakapuwesto sa gobyerno: bukod kay Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr., senador ang Ate Imee niya, kongresista ng Ilocos si Sandro, lahat yata ng matataas na puwesto sa gobyerno sa Ilocos Norte ay dugong Marcos.

Pinsang buo ni PBBM ang ating Speaker Martin Romualdez at iba pang politiko ay kaanak nila sa Tacloban City.

Si VP Sara Duterte ay anak ni dating Pres. Rodrigo Duterte, at kongresista ang kapatid na si Polong habang Davao City mayor naman si Baste na kapatid din ni VP Sara.

Nakabalik sa Senado ang dalawang dating senador Estrada-Ejercito na anak ni dating Pres. Erap Estrada; magkapatid na senador sina Alan Peter at Pia Cayetatano; mag-ina sina Sen. Cynthia at Mark Villar; kapatid ni Sen. Mark si Las Pinas Rep. Camillie Aguilar Villar, at tiyahin niya si Mayor Mel Aguilar.

Ang ama nila, Manny Villar ang ‘the richest man in the Philippines’ ay dati ring Speaker ng Kamara at Senate President!

Mayor ng Valenzuela City ang kapatid ni Sen. Sherwin ‘Win’ Gatchalian na si Weslie at dating congressman, ang ngayon ay DSWD Sec. Rex Gatchalian; si Senate Prez. Migz Zubiri ay anak ng matagal na naging gobernador ng Bukidnon, si Joe Zubiri at dati ring gobernador ang kapatid niyang si Joe Zubiri, Jr.

Deputy House Speaker si Cong. Eddie Villanueva na tatay ni Sen. Joel Villanueva, at nakabalik sa Senado si Sorsogon Gov. Francis ‘Chiz’ Escudero na anak ni dating Agriculture Sen. Salvador ‘Sonny’ Escudero III sa panahon ni dating Pres. Marcos Sr.

Sa maraming probinsiya, siyudad at bayan, angkan-angkan, pami-pamilya ang halal o kaya ay ini-appoint sa gobyerno: Sa Cavite – mula kay Sen. Ramon ‘Bong’ Revilla Jr., ang kapatid niya na si Strike ay dating kongresista at ngayon ay mayor ng Bacoor City, at Cavite District 2 Rep. si Madam Lani Mercado-Revilla ay asawa ni Sen. Bong; Dist. 1 Cong. Jolo Revilla; Agimat partylist Rep. Bryan Revilla; at ang pinakamatandang kapatid nina Sen. Bong at Mayor Strike ay vice mayor ng Bacoor, si Rowena Bautista-Mendiola.

Kapatid ni Gov. Juanito Victor ‘Jonvic’ Remulla Jr. si Justice Sec. Boying Remulla na ang binakantehang puwesto sa Cavite Dist. 7 ay napanalunan ng kanyang anak na si Ping Remulla.

Sa Imus, alkalde si Mayor Alex Advincula at anak niya si 3rd Dist. Cong. Adrian Jay Advincula; Barzaga country ang Dasmarinas, nagpapalitan lang ang mag-asawang Pidi at Jenny sa pagka-alkalde at pagka-congressman at konsehal ang panganay na anak na si Kiko Barzaga;

Sa Carmona, nagpapalitan din ang mag-asawang Roy at Dahlia Loyola sa puwestong alkalde at kongresista; at gayundin sa Gen. Trias City, palitan lang ng puwesto ang magkapatid na Mayor Jonjon at Cong. Ony Ferrer; at magkakapatid sina Cavite City Mayor Denver Christopher Chua, Noveleta Mayor Dino at Bokal Davey Reyes Chua.

Mahigit nang apat na dekada ang pamilya Tolentino sa Tagaytay City, na kapatid ni Sen. Francis Tolentino si Mayor Bambol, mga pamangkin sina Vice Gov. Athena at 8th Dist. Rep. Aniela Bianca Tolentino.

Hindi na natin babanggitin pa ang iba pang LGUs na magkakapamilya, magkakadugo ang nakapuwesto sa iba-ibang puwesto sa lokal at nasyonal na pamahalaan.

***

Pero ang katotohanan, mayroong mabubuti at mayroong masasamang political dynasty.

Masisiguro ang paglago ng kabuhayan at programa sa isang lokalidad kung matitino ang namamayaning pamilya o angkan ng politiko, pero sa masasamang politikong naghahari, patuloy na kahirapan, kaapihan at walang hustisya ang daranasin ng mga mamamayan.

Wala silang tinig at masasabing ang pamamahala ng masasamang dinastiya ay anti-demokrasya at diktatoryal.

***

‘Yung term limit sa 1987 Constitution ay isinulat para raw mapigil ang political dynasties sa layuning mapalawak ang paglahok ng maraming iba pa sa eleksyon bilang mga kandidato.

Pero sa klase ng eleksyon natin na umiiral ang ‘Guns, Goons and Gold’ na lalo pang pinalalakas ng maraming reklamo ng pandaraya na ang itinuturo ay ang Commission on Elections, lalo na nang mauso ang “Smartmagic” results ng eleksyon,  malabong maging demokratiko ang ating halalan.

Kahit ano pang reporma ang naisabatas na, hindi pa rin nawawala ang karahasan, patronage, elitismo at mahika ng salapi na mahalagang sangkap para manalo sa kahit pinakamababang yunit ng politika sa atin.

Muli nating masasaksihan ito sa darating na Barangay at SK elections (BSKE) sa Oktubre 30 na kahit sinasabing non-partisan ang BSKE, lantad sa atin na kung sino ang “bata” ni Mayor, ni Congressman, ni Governor ang mananalo.

***

May nagsasabi naman na bakit hindi obligahin ng Supreme Court ang Lehislatura na sundin ang sinasabi ng Section 26 para maging batas ang anti-political dynasty.

Mandato ng Konstitusyon ang Section 26 na hindi ginagawa ng Kongreso at Senado, at kung gagawin ito ng SC, ano ang mangyayari?

Constitutional crisis dahil nakikialam ang SC sa trabaho ng Lehislatura na co-equal nito na sangay ng ating Republika.

***

Federalismo ba, isang sistemang parliamentaryo ba ang dapat na ipalit sa presidential system sa ating bansa?

Isa pa rin ito na laging mainit na pinagtatalunan sa tuwing pag-uusapan ang charter change (cha-cha) dahil sa maraming modelo nito na kailangang maiangkop sa kultura, ugali at geography natin na hiwa-hiwalay na mga pulo sa dagat na may iba-ibang salita, iba-ibang kinaugaliang iba sa mga kalapit na rehiyon.

Federal government ba na tulad sa Canada na prime minister ang may hawak ng executive power o tulad sa US na federal presidential o ang modelo ng Germany, o ng Japan, o ng England at iba pang bansa?

Pero nagkakaisa ang maraming mamamayan at maging ang mga mambabatas, panahon na para amyendahan o tuluyang gumawa at lumikha ng isang bagong Konstitusyon natin.

Maraming provision sa Saligang Batas ang kailangang mabago tulad ng teritoryo ng Pilipinas na nawala ang soberenya natin sa Sabah, mga teritoryo sa dagat, foreign direct investment, pagkontrol sa public utilities tulad ng koryente, tubig at enerhiya at transportasyon at komunikasyon.

At ang probisyon tungkol sa martial law, pagbawal na magkaroon tayo ng nuclear arms at pagmamay-ari ng lupa at korporasyon na puwede ang mga dayuhan.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply