Banner Before Header

Proseso ng BOC sa Covid-19 vaccines, mabilis!

0 447
MARAMI talagang napapahamak dahil sa “maling akala.”

Kagaya na lang ng nangyari diyan sa ‘snake-infested’ na  Aduana.

Akala ng mgaismagler, natutulog sa pansitan o takot sa Covid-19 ang mga taga-Bureau of Customs.

Kumpiskado tuloy ang mga sinusubukan nilang ipuslit na kontrabando.

Noong Miyerkules, Marso 24, ay nakasakote ang BoC ng mga ukay-ukay.

Nagkakahalaga ng P3.2 milyon, ang mga segunda-manong damit ay nakita sa isang storage facility sa Malibay, Pasay City.

Ang mga ukay-ukay ay nadiskubre ng mga taga-ESS at CIIS ng MICP, kasama ang PCG.

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga otoridad para malaman kung sino ang may-ari ng mga used clothing.

Ang pag-import ng ukay-ukay ay bawal sa bansa.

Bawal ito dahil baka may dalang mga sakit ang mga segunda-manong gamit.

Noon namang nakaraang Lunes, Marso 22, ay nakakumpiska ang MICP ng dalawang container vans na puno ng puslit na sigarilyo.

Ang mga kontrabando ay galing ng China at nagkakahalaga ng P45 milyon.

Ayon kay Alvin Enciso, hepe ng MICP-CIIS, ang kargamento ay idineklarang naglalaman ng bisikleta at folding tables.

Katulad nang palagi nating sinasabi, mahirap nang magpalusot ngayon ng mga kontrabando.

Kaya kayong mga mandurugas diyan sa Aduana, hindi titigil ang mga tauhan ni BoC Chief Rey Guerrero at MICP District Collector Romeo Allan Rosales.

Bistado na kayo!

***

Muling pinatunayan ng Bureau of Customs na buo ang suporta nila sa Covid-19 vaccination program ng gobyerno.

Mabilis at maayos na nailabas sa NAIA ang mga dumarating na bakuna.

Kagaya ng mga naunang dumating na ‘Sinovac vaccines,’ kaagad ding nailabas nitong nakaraang Marso 29 ang isang milyong doses ng Sinovac na bakunang binili natin sa bansang China.

Pinangunahan din ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagsalubong kasama sina Sen. Bong Go, Chinese Envoy Hiang Xilian at ibang miyembro ng Gabinete.

Siniguro naman ni BoC Chief Rey Leonardo Guerrero at Port of NAIA District Collector Mimel S. Manahan-Talusan ang mabilis na paglabas ng mga shipment na naglalaman ng mga produktong gamit sa paglaban sa Covid-19.

***

Nararamdaman na lalo na sa mga probinsiya ang papalapit na 2022 elections.

Ayon nga sa nga natanggap nating ulat, “matulungin” na naman daw ang mga mayayamang politiko.

Madali na naman daw hingian ng tulong ang mga nagbabalak kumandidato.

Kaya naman ang kawawa ay ang mga “poor” na politiko.

Hindi kasi nila kayang makipagsabayan ng gastos sa mamayamang politiko.

Lalo na sa mga ganid at korap na nakaipon na ng paldo-paldong kUwarta para tustusan ang kanilang re-election.

Kung sabagay, hindi nakasisiguro ang mga nagkukunwang matulunging politiko.

Matatalino na ang mga botante ngayon.

***

Nagsimula  na ang tag-araw sa bansa.

Masamang balita ito sa mga ginang ng tahanan.

Lalaki na naman ang bayarin sa kuryente dahil mapipilitang gumamit ng aircon at electric fan sa bahay.

Isa pa, maglalabasan na naman ang mga sakit na usong-uso kapag panahon ng tag-init.

Kaunting ingat na lang tayo.

Lalo pa nga at nandiyan pa ang Covid-19!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa 0921-4765430/email: Tingnannatin08@gmail.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Leave A Reply