Banner Before Header

Ruiz: ‘Di namin kayo tatantanan!

0 308
LALONG naging masigasig ang Bureau of Customs (BoC) sa kampanya nito laban sa katiwalian at mga ismagler kasunod nang pagsamsam o pagkasabat nito kamakailan sa 76 containers ng smuggled na asukal mula sa Thailand.

“Hindi namin kayo tatantanan… kahit saan kayo (ismagler) magpalusot, nanduon ang mga tauhan namin para kayo ay sundan, hanapin at hulihin,” sabi ni BoC Commissioner Yogi Filemon Ruiz.

Ayon kay Ruiz, may kabuuang 1,906 metric tons na aabot sa P228 milyong halaga ng imported ng refined sugar na walang kaukulang Sugar Regulatory Administration (SRA) import clearance ang nasabat ng kanyang mga tauhan sa pamumuno ni Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) chief Alvin Enciso.

Kada container van ay may lamang 500 sako na asukal.

Dahil dito, agad na nag-isyu ang BoC ng dalawang Warrants of Seizure and Detention (WSD) laban sa shipment for violating Sections 117 and 1113 of the Customs Modernization and Tarriff Act (CMTA), at matapos na tanggihan ng CIIS-MICP ang hiling na amyendahan ang manipesto para mapalitan ang pangalan ng consignee nito.

Sinabi ni Ruiz na may ilang tao na nag-iisip na madaling makapagpalusot ng ilegal na kargamento sa Customs.

“Nagkakamali sila (ismagler)… they think they can smuggle sugar. Laging nakabantay — 24 oras sa loob ng isang linggo ang mga opisyal at tauhan ng BoC,” sabi ni Ruiz.

Pinapurihan ni Comm. Yogi sina CIIS Director Jeoffrey Tacio at Enciso, pati ang mga tauhan ng mga ito sa matagumpay na operasyon laban sa mga ismagler.

Inulit-ulit ni Ruiz ang babala sa mga importer at trader na itigil na ang ilegal na gawain sa kagustuhang kumita ng malaking halaga sa madaling paraan.

“Hindi lamang malulugi kayo… masusubo pa kayo sa malaking problema dahil bukod sa kukumpiskahin namin ang inyong shipment, kakasuhan pa namin kayo,” sabi ni Comm. Ruiz.

***

Pinuri ni Ruiz ang magagaling na lalaki at babae ng Bureau of Customs (BoC) sa patuloy na pakikiisa sa ipinatutupad niyang programa at reporma sa Aduana.

Kasunod nito, hiniling niya sa kanyang mga kritiko na tumigil sa ginagawang paghadlang sa mga ginagawa niya upang malinis ang reputasyon ng BoC na itinturing na isa sa pinakakorap na ahensiya ng pamahalaan.

Hinikayat ni Ruiz ang lahat ng opisyal at mga kawani ng BoC na ipagpatuloy ang pagtawid sa maayos at mahusay na paglilingkod sa bayan na sinimulang ilatag ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos.

“IIsa lamang po ang ating bansa, at ito ay dapat nating mahalin at pagsikapang mapaunlad… kaya po natutuwa ako sa mga kasama ko sa Customs na pawang matatapat at nagpapatuloy na  maglingkod nang mahusay para sa ating bayan, at nagsisikap na mapataas ang koleksiyon natin ngayong taon,’ paliwanag ni Ruiz.

Aniya pa, dapat na maging bahagi ng solusyon at hindi bahagi ng problema ang mga kritiko niya.

Nanawagan siya na “maawa” sa bayan na ngayon ay nangangailangan ng matinong pamamahala at makausad na upang ang Pilipinas ay makaahon sa kahirapan.

Aniya pa, dapat na ang mga opisyal na gumagawa ng katiwalian ay tumigil na at magbago sapagkat ang kasamaan ay hindi naman laging nagtatagumpay at ito ay may laging ganti ng matuwid na hustisya.

Inisa-isa ni Ruiz ang mga programa at reporma niya na ipinatutupad at umaasa siya na ang mga “makabayang opisyal at mga kawani” ay magiging tunay na lingkod ng bayan.

Pinasalamatan din ni Guerrero ang Pangulong Marcos at si Finance Sec. Benjamin ‘Ben’ Diokno sa patuloy na pagtitiwala sa kanya, at ikinatuwa ang kumpiyansa hanggang ngayon sa kanyang kakayahang pamunuan ang Customs.

Niliwanag ni Ruiz, na ang bayan ay matagal nang naiinip na makita ang BoC na isa sa mapagkakatiwalaang kawanihan na hindi lamang magbibigay ng malaking ambag sa koleksiyon ng buwis kungdi makikilala ang mga opisyal at mga kawani nito  na mararangal at kapuri-puring lingkod ng mamamayang Pilipino.

***

Hindi naman mahirap labanan ang ismagling kung tutuusin.

Katapatan sa tungkulin, mahusay na pagsunod sa batas, tibay ng dibdib laban sa tukso ng madaling pagkakamal ng salapi sa “baluktot na paraan.”

Mayroon ba tayo ng mga ganitong opisyal at kawani sa Bureau of Customs?

Ang sagot: napakarami nila, pawang matatapat, pawang matitino at nais na tunay na makapagerbisyo nang matapat sa bansa.

Ano ang dahilan at hindi tayo nagtatagumpay laban sa katiwalian?

Pagkakaisa ang kulang, pagwawalang-bahala ang naririyan, at ang pagsasabing, nandiyan na yan at hindi na maaari pang mawala.

Mali: magagawa ito, kung si Comm. Ruiz at ang maraming matitino at matatapat ay ating tutulungan.

Ito ang kulang, at dapat na mangyari.

Sa kung paanong paraan, sumunod tayo sa batas at itinatakda ng mga regulasyon, at ‘wag kumunsinti ng mga mali.

Matuto tayong sumama sa pagbabago at huwag humadlang sa anomang ipinatutupad na pagbabago.

Magtulungan para puksain ang salot na ismagling!

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply