Banner Before Header

Sa kapalpakan ng DA, ‘food crisis’ nagbabanta!

0 282
“SAAN” na kaya “dadamputin” ang mga Pinoy sa panahong ito, mga kabayan? Okay, ‘andyan na nga ang bakuna laban sa COVID-19 (maraming salamat sa pagiging mabuti at matapat na kaibigan ng China), pero ang tinatamaan ng virus, tumataas pa rin!

Kaya ang resulta, mistulang ‘lockdown’ muli, partikular sa Metro Manila na patuloy na nagtatala ng pinakamataas na ‘infection’ sa buong bansa.

Mistula ring nagbigay ng ‘false sense of security’ ang donasyon sa atin ng China na 1 milyon bakuna dahil kasunod nito, “sumikad” pataas ang mga bagong kaso ng COVID kung saan ang “konsentrasyon” ay sa Metro Manila, ayon na rin sa pagsubaybay ng DOH.

Sa datos ng DOH, umakyat ang mga bagong kaso sa 20,196 sa NCR sa nakaraang 14 na araw, kasunod ang Calabarzon na may 5,316 na mga bagong kaso.

Sa kabuuan, ayon pa sa DOH, umakyat na sa 621,498 ang kumpirmadong tinamaan ng COVID-19 sa bansa kung saan 48,147 sa mga ito ay ‘active cases’ pa rin; 560,512 ang gumaling habang 12,829 ang namatay, susmariosep naman talaga, huhuhu!

At kung abala ang atensyon ng mga awtoridad, partikular na ang Malakanyang, sa problema natin sa COVID, “nagbabala” naman si ex-AGAP partylist representative, Nicanor Briones, sa mas malaking problema na inaasahan niyang “tatama” sa susunod na taon.

At ito ay ang krisis sa suplay ng pagkain, araguy!

Kung papansinin, kahit “matumal” pa rin ang negosyo, patuloy sa pagtaas ang presyo ng biliin, partikular na ang kilo ng baboy at manok. At ngayon, kahit ang kilo ng isdang galunggong na umaabot na sa lampas P200 kada kilo.

At bakit naman hindi, samantalang “hilahod” ang ating agrikultura dahil sa problema sa ‘ASF’ (African Swine Fever) na halos 2 taon na ngayong hindi mahanapan ng solusyon ng Department of Agriculture (DA) at ni Sec. William Dar, mismo, sapul ng “makapasok” ito sa bansa dakong Setyembre 2019.

Sa kabuuan ng Luzon, ayon pa kay Briones, halos ‘wiped out’ na ating suplay ng baboy dahil sa ASF—na “pinalala” pa ng mga sablay na polisiya ng DA upang labanan ito.

At kung wala nang nag-aalaga ng baboy, eh, talagang “sisipa” ang presyo nito dahil ‘law of supply and demand’ ang tawag dyan, mga kabayan. Kung maraming suplay, mababa ang presyo, kung halos walang suplay, mataas. Period.

Ang alam na solusyon ni Dar? “Pabahain” ng importasyon ng karneng baboy ang bansa—kasehodang tuluyan ng magsara, dahil sa matinding pagkalugi ang ating agrikultura.

Alam kaya niya ni Sec. Dar na sakaling “mawala” na ang ating agrikultura, hindi lang milyon-,milyon nating mga kababayan ang mawawalan ng trabaho at magugutom?

Hindi kaya niya alam na kung pulos importasyon lang ang alam niyang solusyon, magreresulta ito sa krisis sa suplay ng pagkain sa buong bansa at magdudulot ng ‘social unrest?’

Hmm. ‘Recruiter’ kaya ng CPP-NPA ang mga andyan sa DA dahil sa kanilang mga maling ginagawa?

Calling on Pres. Duterte: Wala pa ba kayong balak na “pagbakasyunin” si Sec. Dar?

“Maawa” po kayo sa mahihirap na Pilipino, Mr. President!

Abangan!

Leave A Reply