SA totoong lang, hindi na natin ikinagulat ang pagpapahayag ni dating Senator Sonny Trillanes sa kaniyang kagustuhang maging presidente.
Matagal na nating alam ang gusto niyang mangyari, unang taon pa lamang ni Panguong Duterte, gusto niyang ibagsak ang pamumuno nito.
Hayagan naman niya itong ipinagsisigawan. Sabi pa niya na kung siya ang magiging pangulo, “ipakukulong” niya si Pangulong Duterte sa mga krimen nito.
Malinaw na paghihiganti ang nais nito sakaling makapuwesto. Kung sabagay wala naman talagang ibang pinagkaabalahan itong si former senator kundi ang makipagtunggali sa kasalukuyang administrasyon.
Syempre ang nakakatuwa pa dito, tila pinangungunahan niya ang kampo ni Vice Presidente Leni Robredo na hindi pa daw nagkakapagdesisyon para sa 2022.
Nauunawaan naman natin kung bakit dahil hindi madali ang kaniyang mga kalaban at sa naging track record ng Liberal party, naku naman, mahirap nga iyan.
At kung track record, ano nga ba ang naging track record nitong si dating Senator Trillanes? Kayo na ang “umatado,” dear readers.
Well, sabi nga ng tagapagsalita ng Malakanyang, karapatan naman ni Trillanes na tumakbong presidente at libre ang mangarap. Walang pipigil sa kaniya kung ano ang gusto niyang posisyon ngayong darating na halalan.
Alam natin na malapit na ang eleksiyon, katunayan, masasabi na nating election year ang 2021 bilang paghahanda sa 2022.
Pero sa gitna talaga ng pandemya at tumataas na bilang ng mga nagkakaroon ng Covid 19, pagpapakulong sa pangulo ang nais gawin sa 2022?
Tatanungin lang po natin. May programa ba siyang binanggit pagdating sa pagbangon ng ekonomiya? May binanggit ba siya pagdating sa problema sa kabuhayan ng mga Pilipinong nawalan ng trabaho?
May nabanggit ba tungkol sa relasyon natin sa US, China at Russia? May nabanggit na ba tungkol sa kriminalidad? May binanggit na ba siya sa paghahanap ng bakuna?
Iyan po ang mga isyu na kailangan ng bansa natin sa pagharap nitong pandemya.
Kung sino man ang nais na maging presidente ito ang nais nating marinig sa kanila: Anu-ano ang mga patakaran o plano para sa ekonomiya ang gagawin gayong alam nating lahat ang pagbagsak ng mga ekonomiya sa buong daigdig gawa ng pandemya.
Kung pagpapakulong lang ang nais gawin nito aba naman, may korte tayo para magsampa ka ng kaso kung may ebidensiya ka. Bakit pagka-presidente pa ang nanaisin nito iyon lang pala ang pinakalayunin nito?
Sa ganang atin mga kababayan, wala tayong problema sa mga nais tumakbo sa pagkapangulo.
Karapatan nila iyan at bahagi iyan ng ating demokrasya. Pero kung may nais akong marinig sa mga kandidato ay iyong mga magagawa nila para sa Pilipinas. Hindi iyong personal na layunin na makapaghiganti. Iyong kayang pag-isahin ang bansa natin hindi para pagwatak-watakin.
Dahil kung puro paninira ang gagawin ng mga kandidato at walang malinaw na ihahapag sa atin nang kanilang mga plano para sa agarang kakailanganin ng mga tao, aba, ang aga nitong mamulitika.
Kailangan nating itanong kung kaninong interes ba ang tinitignan? Sariling yabang o kapakanan ng mamamayan?
Kilala natin si dating Senator Trillanes bilang respetado at iginagalang bilang senador, pero hindi ito ang mga pahayag na sa tingin natin ay makatutulong sa kaniyang karera sa politika.
Kumbaga ay sablay sa ‘packaging’ mga kabayan, tam aba?
He may have the best interest for our nation, ika nga. Pero huwag sana siyang pangunahan ng kaniyang personal na galit kung totoong para sa kapakanan ng bansa ang kaniyang nais.