Banner Before Header

‘Sam Gor Drug Syndicate’ is the big elephant in the room

0 134
BINABATI natin ang Bureau of Customs’ Intelligence Group (IG) sa pangunguna ni Deputy Commissioner Juvymax Uy dahil sa pagkahuli nitong Setyembre 27, sa 530 kilos ng shabu sa Port of Subic na nagkakahalaga ng higit P3.8 bilyon.

Hindi naman dapat magtaka ang mga miron sa ganitong ‘accomplishment’ ng BOC dahil hindi lang basta “matikas” bilang retiradong opisyal ng Philippine Army si DCI Juvymax, bagkus, isa rin siyang “batikan” bilang intelligence officer, patunay ang kanyang dating puwesto bilang “bosing” sa Intelligence Service Group (ISG) ng Philippine Army, isang posisyon na hindi basta “ipinagkakatiwala” sa kahit sinong sundalo.

Kumbaga, pagdating sa ‘intel operation,’ sadyang maaasahan sa resulta si Gen. Juvymax.

Sa matagumpay namang operasyon sa Subic, malinaw na kahit ang ‘Drug War’ ni dating Pang. Rody Duterte kung saan higit 6,000 ang namatay ay hindi naging epektibo upang masawata ang iligal na negosyo ng droga sa ating bansa.

Pansinin: noong Marso 2022, aabot sa higit 1,500 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng higit P11 bilyong  ang nakumpiska sa Quezon province; 400 kilo ng shabu sa Pangasinan na nagkakahalaga ng higit P2.7 bilyon noong buwan ng Agosto at 990 kilos naman na nagkakahalaga ng higit P6.7 bilyon sa Maynila noong Oktubre. Ang tanong: “Apektado” ba ang suplay at presyo ng shabu? Malinaw na hindi ang sagot.

Na bigo ang kampanya at kailangan pang paigtingin ang paglaban sa iligal na droga ay makikita na sa katotohanan, ‘stable’ ang presyo ng shabu na patuloy na “naglalaro” sa halagang P5 milyon – P6.5 milyon kada kilo.

Ganito na rin ang presyo nito sa nakaraang higit isang dekada kaya nga masasabing kahit gaano pa kalaki ang nakukumpiskang shabu ng ating mga operatiba, ‘stable’ pa rin, regular pa rin, ang daloy ng suplay nito sa merkado ng mga adik.

Katulad kasi sa ibang “paninda,” ang batas ng merkado— ‘law of supply and demand’– ang “nagdidikta” sa presyon ng shabu. At dahil nga tuloy lang ang dating ng suplay, hindi natitinag ang presyo nito.

Dito sa ating pahayagan, makailang beses na nating ipinunto na isa sa malaking salik sa pagpasok ng iligal na droga ay itong ‘Sam Gor Drug Syndicate’ na “samahan” ng 5 malalaking ‘Chinese Triad’ at may kontrol sa higit 50 porsiyento ng ‘illegal drug trade’ sa buong mundo, partikular sa bentahan ng shabu.

Matagal na nating sinasabi dito sa ating pahayagan, ang Pinoy Exposé, na “tutukan” ng gobyerno ang mga aktibidades nitong Sam Gor Drug Syndicate dahil nagiging malinaw naman na itong grupong ito na ang may “hawak” at may “kontrol” sa transaksyon ng iligal na droga sa ating bansa. Yun nga lang, kahit ang PDEA, dedma sa ating panukala.

Aber, napansin pa nga natin na kahit sa termino ni Pang. Rody, ang mga bilyones na halaga ng mga nakukumpiskang shabu ay suplay lahat ng Sam Gor! At ang lahat ng insidente na binangggit natin sa itaas kung saan bilyones ang nakumpiskang mga shabu, ang malinaw na supplier ay itong damuhong Sam Gor Drug Syndicate.

Katulad ng iba pang malalaking sindikato ng iligal na droga na nakabase sa Mexico at Colombia, bantog din sa paggamit ng karahasan ang Sam Gor na nakabase naman sa Hongkong at Thailand. Bagaman, masasabing ito rin ang kayang magbigay ng ‘offer that you cannot refuse’ dahil ang “padulas” sa mga kausap na korap na opisyal ng kahit kaninong gobyerno ay nakabatay sa dolyar. Sa US dollar, in cash.

Aber, kung ikaw ba naman ay isang Pinoy official na aalukin, halimbawa, ng cash na $250,000.00 kada buwan, “pumikit” ka lang sa trabaho mo, hindi mo kaya sasagpangin?

Ito lang din ang alam nating sindikato ng iligal na droga na may ‘refund policy’ kung saan, “papalitan” nila ang ano mang droga na makukumpiska ng pamahalaan, free of charge.

“There is a big elephant in the room,” wika nga. At ito nga ay ang Sam Gor Drug Syndicate.

At kung patuloy na hindi ito papansinin ng ating pamahalaan sa kung ano mang dahilan, hindi mababawasan, bagkus, patuloy na lulubha, ang ating problema sa iligal na droga.

Leave A Reply