Banner Before Header

Senado, “sablay” din sa ‘Vape Bill?’

0 329
ANO ba naman itong mga ganap ngayon sa Kamara at Senado, ang tanong sa atin ng mga miron, dear readers.

Anila, “mistula” (daw) na sinasasamantala ng ating mga mambabatas ang Kapaskuhan?

Okay lang sana kung makakabuti sa taumbayan lalo na ngayong panahon pa ng pandemya ang kanilang mga tinatalakay na mga panukalang batas, pero hindi, ganern?

Isa sa pinupuna ay ang pagbibigay ng Kamara ng 25-year franchise sa “talpak” o e-sabong kung saan marami na sa ating mga kababayan ang nalulong sa bisyong ito.

Sa Senado naman, bukod sa “pagkatay” sa badyet ng NTF-ELCAC, mukhang “lulusot” ang panukalangt batas para sa regulasyon ng ‘e-cigarette’ o ‘Vape’ (vaporized nicotine products) na ang mga principal authors ay pawang mga “lider” ng mataas na kapulungan—SP Tito Sotto, Majority Leader Migs Zubiri at Pro-Tempore Ralph Recto.

Kinukuwestyon at tinututulan, lalo na ng mga health professionals ang ilan sa mga kontrobersyal na probisyon ng Vape Bill o Senate Bill 2239 dahil ayon kay Dr. Benito Atienza, Philippine Medical Association President, ito ay “anti-health,” “anti-youth,” at “anti-children.”

Sa katunayan, maliban sa pagtutol ng DOH, DepEd, at FDA umaabot sa 74 na mga health professional organizations at advocacy groups ay nagpahayag na rin pala ng kanilang pagtutol sa SB 2239 dahil pinapayagan nito na bumili ng vape at heated products ang mga kabataang 18-anyos pataas, mula sa orihinal na 21 anyos sa ilalim ng Sin Tax Law.

Sabihin pa, mga dambuhalang korporasyon sa sigarilyo ang nasa likod ng panukalang batas na ito, alright, hehehe!

Kung makalusot naman sa Senado, hindi dapat magtaka na ‘yung mga senior students natin ay malululong sa e-cigarette habang “lulong” naman sa e-sabong ang kanilang mga magulang, aguy, aguy, aguy!

Isa pa sa kinukuwestyon ay ang probisyon na naglilipat sa Department of Trade and Industry (DTI) ng kapangyarihan na i-regulate ang mga vape product sa halip na isailalim ito sa Food and Drug Administration (FDA).

Isinusulong na ang FDA ang mag-regulate ng vape dahil mayroon itong kakayanan na pag-aralan kung ito ay ligtas at kung ano ang epekto nito sa kalusugan.

Ipinanukala ni Sen. Pia Cayetano na panatilihin ang 21-anyos na minimum access, panatilihin ang regulasyon sa FDA at limitahan sa plain tobacco at plain menthol ang papayagang flavor subalit hindi ito tinanggap ng karamihan ng kanyang mga kasamang senador? Bakit naman kaya?

Kung sabagay, kelangan pa bang pag-isipan yan, hehe!

Gaya ni Sen. Cayetano tutol din ang Philippine Pediatric Society (PPS), Philippine College of Physicians (PCP) at public interest law group na ImagineLaw sa pag-apruba ng panukala na magdaragdag lamang umano sa problemang pangkalusugan na kinakaharap ng bansa.

Ang sabi pa nga ni Dr. Maricar Limpin President, Philippine College of Physicians, kinokondena nila ang hakbang na ito na magpapahina sa mga kasalukuyang batas.

Marami na anyang problema sa kalusugan at ekonomiya na hinaharap ngayon ang bansa dahil sa COVID-19 kaya hindi sila magdadalawang isip na mangampanya laban kay  Sotto na tatakbong vice president, laban kay Zubiri na tatakbong senador ulit, at laban kay Recto na tatakbong kongresista na posibleng maging front runner sa House Speakership.

Aba, dapat makipagsanib-puwersa sila sa mga ‘pro-NTF-ELCAC’ dahil may kampanya rin sila na ‘zero vote’ sa mga senador na “tumigpas” sa badyet nito.

Abangan!

Leave A Reply