SA kasaysayan ng ‘organized crime’ (“Mafia”) sa Amerika, isa sa pinakasikat si Benjamin ‘Bugsy’ Siegel, isa sa mga “miyembro” ng ‘The Commission’ na siyang nagpapatakbo ng organisadong krimen sa buong ‘Tadong Unidos at maging sa Cuba.
Sadyang makulay ang buhay nitong si Bugsy na ginawa pa ngang pelikula ang kanyang istorya (‘Bugsy,’ 1991, pinagbidahan ni Warren Beatty).
Isa si Bugsy sa mga nagtayo ng ‘private army’ ng Mafia, ang ‘Murder Inc.,’ at mula rito ay umangat—at naging milyonaryo sa gawaing kriminal– nang makilala nila ni Meyer Lansky (ang kanyang partner) at pagtiwalaan sila nang lider ng Mafia na si Lucky ‘Scarface’ Luciano, ang “ama” ng modernong sindikato ng mga kriminal sa Amerika.
Ang pinakamalaking “kontribusyon” ni Bugsy sa kasaysayan ng America– at ng ekonomiya nito—ay ang Las Vegas.
Yes, dear readers, Mafia ang “nagtayo” ng Las Vegas at si Bugsy ang “utak” nito.
‘Yun nga lang. Nagtamang-duda ang kanyang mga kasamahan sa Mafia dahil ‘over the budget’ ang kanyang itinayong casino sa Las Vegas (The Flamingo). Pinagdudahan nila si Busgy na “kinukupit” ang pondo para dito kaya iniutos siyang patayin ng Commission noong 1947.
***
Hmm. Hindi ba “kumpleto-rekados” ang buhay ni Bugsy,” dear readers? Na “nagmula sa wala,” umangat, umasenso, dahil nga pinagtiwalaan at naging “BFF” pa ng lider ng Mafia? At pinatay dahil nasira ang pagtitiwala sa kanya dahil lang sa isyu ng pera. ‘Yun lang, aguy!
Hindi nakapagtataka na ‘blockbuster’ ang kanyang pelikula at muntik pang nanalo bilang ‘best picture’ sa Oscars nang sumunod na taon!
Sa mga miron naman sa Maynila, mayroon silang sinasabi ngayon na “kapangalan” ni Bugsy Siegel,” mga kabayan.
At ito ay ang ‘Bugsy Bee,’ isang ‘single proprietorship’ na ang opisina ay sa isang bahay d’yan sa San Andres Bukid.
Hindi maiwasan ng mga miron na kahit paano ay “ikumpara” itong Bugsy Bee kay Bugsy Siegel dahil anila, kagulat-gulat din ang pag-asenso ng kumpanyang ito—matapos “makuha ang tiwala” ng mga “among tunay” d’yan sa Manila City Hall!
Sa mga dokumentong nakita natin, sinasabing lampas sa P1 bilyon—aabot pa nga raw sa P3 bilyon—ang ‘na-award’ na kontrata dito kay Bugsy Bee sa pagpasok ng administrasyong Isko-Lacuna noong 2019, wow!
Aber, sobra namang “pinagpala” itong si Bugsy Bee para mabigyan ng bilyones na kontrata ng Manila City Hall kahit isa lang itong ‘single proprietorship,’ hindi ba?
Sana all, hehe!
Oops! Mahal na araw na ngayon. Baka naman gusto ninyong magbawas ng “kasalanan,” mga bosing d’yan sa City Hall. Baka lang naman gusto ninyo, hane?
Abangan!