Banner Before Header

Si ex-CJ Bersamin, Executive Secretary

0 250
ILANG araw bago ang biyahe ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos patungong Amerika, noong nakaraang buwan, napaulat ang pagbibitiw sa puwesto ni dating Executive Secretary Atty. Victor Rodriguez at umugong ang balitang papalitan siya ni dating Chief Justice (CJ) Lucas Bersamin.

Pagbalik ni PBBM mula sa matagumpay na biyahe ay agad na iniluklok si Bersamin bilang ES at agad na nanumpa sa tungkulin.

Hindi totoo mga masugid kong tagasubaybay ang alingasngas noong una na itatalaga si Rodriguez bilang presidential chief of staff.

Matatandaang, nag-resign si Rodriguez dahil daw sa personal reasons.
Pero bago ang resignation ni Rodriguez, hindi ba’t umani ito ng kaliwa’t kanang kritisismo dulot ng papel niya sa sugar importation fiasco at iba pa?

The rest is history.

-o0o-

Balik tayo sa bagong ES, sino nga ba si Bersamin?

Aba’y dati lang naman siyang punong mahistrado ng ika-3 sangay ng gobyerno (Judiciary Branch).

Mula noong Marso 2003 ay mahistrado rin siya ng Court of Appeals hanggang sa maitalaga siya bilang ika-25 na Supreme Court (SC) Chief Justice.

Bago naging CA Justice si Bersamin, naging Presiding Judge muna siya ng Quezon City Regional Trial Court, Branch 96.

Matagal din siyang sumabak sa private legal practice bago nailuklok bilang RTC judge noong November 1986.

Nagtapos siya ng abogasya sa University of the East noong 1973.

Si ES Bersamin ay naging topnotcher o pang-siyam sa Bar Examinations ng taon ding iyon matapos makakuha ng average na 86.3 percent.

Naging fellow siya ng Commonwealth Judicial Education Institute sa Dalhousie University sa Halifax, Canada.

Dahil sa kanyang husay at galing, ginawaran siya ng Chief Justice Jose Abad Santos Award (Outstanding RTC Judge noong 2002) sa idinaos na 11th Judicial Excellence Awards (JEA).

Sa JEA naman noong 2000, nasungkit niya ang Best Decision in Civil Law at Best Decision in Criminal Law Awards, ang parangal at achievement na hindi pa kailanman naduduplika o napapantayan ng ninuman.

Kinilala siya bilang isa sa mga 60 Most Outstanding Alumni Awardees sa Diamond Jubilee Awards ng UE noong 2006.

Naging Outstanding Alumnus in the Judiciary din ng UE si Bersamin noong 2001.
Taong 1991 naman, kinilala siya bilang Outstanding Alumnus in Government Service, Judiciary at Outstanding Alumnus in the Field of Law ng UE Alumni Association, Inc.

Kung titingnan ang kanyang service records, aba’y hindi maitatanggi na talagang si Bersamin ang tamang tao sa kanyang kasalukuyang posisyon.

Walang bahid-dungis ang mamang ito.

Siya ay isa lamang sa mga matatalino, mararangal, matatapang, at magagaling na lingkod-bayan sa kasalukuyan.

Bilang kahilim ni Pangulong Marcos, tiyak na gagamitin ni CJ Bersamin ang kanyang talino at tapang para panatilihin ang dangal at husay ng serbisyo sa hanay ng ehekutibo.

-o0o-

Ang KKK o Katipunan na pinamumunuan noon ni Andres Bonifacio ang nagsindi ng mitsa ng rebolusyon na unang sumiklab ang madugong digmaan noong 1896 at natapos sa ikalawang yugto noong 1898.

Lubos, lantay at dalisay ang pagpapahayag ni Bonifacio ng kalayaan ng Pilipinas sa kolonyalistang Espanya, pero naiiba ang kalayaang inihayag ni Gen. Emilio Aguinaldo sa Kawit.

Kalayaan nga ba ito o pagpapatunay na huwad ang kasarinlang iyon pagkat kasabay nito, naideklara na ang pagiging “protektadong teritoryo” ang Pilipinas ng bagong mananakop, ang US.

Hanggang ngayon, tayo ay protectorate ng US – na ayon sa international law, ang isang protektadong teritoryo ay nasa pangangalaga ng isa pang bansa, sa paraang diplomatiko o sa pagsakop sa paraang militar.

Kung susuriing mabuti ang kasaysayan, ang pahayag ng “kalayaan” noong Hunyo 12, 1898 ay isang huwad na kasarinlan, batay sa mga tunay na pangyayari.

Maraming bahagi ng bansa noon, lalo na ang pasigan ng Maynila at ng Cavite ay nasa kamay na ng hukbo ng US, sa pangangasiwa ni Admiral George Dewey ng US Naval Fleet na nakaangkala sa Maynila Bay.

Dumating sa bansa si Aguinaldo sakay ng barko ng US mula sa Hong Kong noong Mayo 1898 at kailangan pang humingi ng permiso ang heneral na makababa sa pasigan ng Bacoor.

Alam ba n’yong labis na tinutulan ni Apolinario Mabini, ang henyong abogado ng Rebolusyon sa plano ni Aguinaldo na magdeklara ng Kalayaan?

-o0o-

Itinuro ng kasaysayan na “inismiran” lang ng US ang pahayag na kasarinlan ni Aguinaldo, at nong 1899, sumiklab ang digmaan ng Pilipino-Amerikano na natapos nang lubos na matalo ang pangkat ng rebolusyonaryong Pilipino noong 1902.

Sa giyerang ito, na talagang duhagi ang mga kababayan natin, tinatayang umaabot sa 600,000 hanggang isang milyong Pilipino ang namatay, at ito ay katumbas ng ika-10 bahagi ng buong dami ng mga Pilipino noong panahong iyon.

Oo, “pinalaya” tayo ng US nang ibalik ang kalayaan sa politika noong Hulyo 4, 1946, pero bago ito ginawa ng mga America, tiniyak nila na ang buong bansa ay nakasandig, nakasampay at ganap na umaasa sa lahat ng bagay sa kapangyarihang militar, kabuhayan at maging sa kultura o kaisipang Amerikano.

Hanggang ngayon, kumbaga sa isang sanggol, maitutulad tayo sa karakter sa komiks na si “Bondying” na bagaman at matanda na, laging umaasa sa dede o gatas na ibibigay ng pamahalaang US.

Nagsasarili man tayo sa politika, sakal na sakal pa rin tayo ng kapangyarihang militar, politikal at ekonomya ng US at tulad ni Bondying, hindi tayo makatatayo sa sariling paa kungdi tayo bibigyan ng saklay o tulong ng US.

Ngayon ang tanong: Malaya nga ba ang Pilipinas?

-o0o-

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com)

Leave A Reply