NARINIG na ba ninyo ang kuwentong ito? Mga taong 1940s, hindi gaanong pinapansin ang pagdating ng mga Japanese sa maraming dako ng bansa. Mababait sila. Tulad ng mga “Intsik-beho,” kahit nakatitikim ng diskriminasyon, walang angal ang mga dumayong Hapones.
Marami pala sa kanila ay espiya; mga may ranggo sa Japanese Army at palihim na nagbibigay ng mahahalagang impormasyon sa politika, ekonomya at militar ng bansa. Kaya madaling nasakop ng Japanese army ang Pilipinas sa pagsiklab ng WWII nang tumanggi tayo na sumapi sa Asia Co-Prosperity Program ng Japan.
Isa ‘yon sa “silent invasion” ng Japan, at malaki ang panganib na maulit ito.
Ayon sa testimonya sa Senado ni Immigration Officer 1 Allison Chiong, umaabot sa 2,000 Chinese araw-araw ang nakapapasok nang walang hassle dahil sa “Pastillas Bribery Scheme”. Milyon-milyong piso ang kapalit ng bawat isang ‘high value personality (HVP)” na pinapapasok ng BI sa bansa.
Ang mga HVP na ito ay maaaring takas na bilanggo o sundalong Chinese na may lihim na misyon sa bansa.
Noon pa ito nangyayari, pero mas dumami ang mga Chinong ito nang magsimula ang operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) at kailanganing kumuha ng Chinese at Taiwanese Pogo workers sa maraming lungsod sa Metro Manila at kalapit na probinsiya.
Sa pagdami ng Pogo workers, siyempre dala rin nila ang kanilang bisyo: prostitution, money laundering, at posibleng marami sa kanila ay hindi lang karaniwang manggagawa: hinihinalang sundalo o opisyal ng People’s Liberation Army ng China.
Hindi sila nandito para magtrabaho, marahil ay mag-espiya. Misyon nila marahil ay gawing sentro ng kanilang sindikatong kriminal ang Pilipinas. ‘Wag sanang maulit ang “silent invasion” ng Hapones sa pagdami ng dayuhang Chinese sa bansa.
*
MALAKI ang failure ng intelligence community ng ating PNP at AFP at ng mga itinalagang “political and military attache” sa ating mga embahada sa China, Taiwan at iba pang bansa. Bawat Philippine embassy ay mayroon tayong itinatalagang “military at political officer” para mapangalagaan ang ating national security laban sa kriminalidad mula sa ibang bansa.
Natutulog ba sa pansitan ang nga “military and political attache” natin sa China, Taiwan at iba pang bansa? Paano nakalulusot ang mga illegal Pogo workers?
“Wag lang isisi ito sa “Pastillas Bribery Scheme” ng mga taga-Bureau of Immigration (BI). Noon pa ay uso na sa BI ang daan-daan libo at milyon-milyong piso suhol bawat ulo ng pinalulusot na ilegal na dayuhan at high value personalities.
Noon, ang pinalulusot ay mga Bumbay na ngayon ay kay-yayaman sa ilegal na hulugang 5-6. Ngayon, kung hindi kikilos nang maagap ang ating pulisya at militar, hindi malayo na mangyari ay mamayagpag ang mga sindikatong kriminal at prostitusyon, kidnapping na pinatatakbo ng mga dayuhang Chinese.
Hindi sapat na kasuhan lamang at sibakin ang mga tiwaling BI officials na kasangkot sa “Pastillas Bribery Scandal,” at iba pang katiwalian.
Dapat ay pigain sila dahil posibleng may kinamalan din ang mga travel and promotions agency, Pogo owners at operators sa pamamayagpag ng mga kriminalidad sa bansa. At malay natin, may mga Chinese PLA officials na nakatanim na sa maraming lugar sa bansa,
*
TOTOO nga ang kampanya ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte laban sa mga sindikatong kriminal pero kung ang mga opisyal naman ng gobyerno ay tutulog-tulog, o kaya ay kasabwat ng mga sindikato ng mga dayuhang kriminal, magiging kaawa-awa ang Pilipinas.
Tunay na nakatatakot na milyon-milyong dolyar na cash na galing China, Taiwan, Hongkong at iba pang lugar ang malayang naipapasok at naipupuslit sa ating mga paliparan at mga pantalan. Dapat nang bulatlatin, itiwarik kung kinakailangan ang mga opisyal at tauhan ng Immigration, Bureau of Customs at ang mga kasangkot sa PNP, AFP at ang Anti-Money Laundering Council na inaatasan na ipatupad ang mga probisyon ng Republic Act No.9160 (Anti-Money Laundering Act of 2001). At ang RA No. 10168 (Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012).
Kung ang mismong mga ahensiya at pinagkakatiwalaang opisyal ni Presidente Duterte ay nakalubog sa katiwalian, ano ang ating maaasahan kundi ang patuloy na paglaganap ng korapsiyon at kriminalidad sa ating bansa. Dapat ding bantayan ang mga lokal na pamahalaan.
Nakatatakot ang expose dati ni Sen. Richard Gordon na may mga local civil registrar na kasabwat ng mga sindikatong kriminal – na kapalit ng malaking halaga, nagiging “instant Filipino” ang isang dayuhang Chinese. Kapalit ng malaking halaga, nagkakaroon ng birth certificate ang isang dayuhan na gamit ay pangalan ng isang patay na Pilipino.
(Para sa inyong suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email sa bampurisima@yahoo.com).