“MAGBAKUNA muna tayo, saka na tayo, mag-talkies (tungkol) sa election (2022). Tambak ang trabaho, malayo pa ang takbuhan.”
‘Yan ang madalas na isagot ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso, kapag tinatanong kung tatakbo ba siyang presidente sa May 2022 elections.Obserbasyon naman ni Dr. Dante Ang, big boss ng Manila Times ay may ala-Mona Lisa smile, at bukod sa makisig, humble, sober, thoughtful at may ‘charisma’ si “Yorme Kois.”
Hindi pekeng makamasa, kasi totoong laking-Tondo, anak ng isang Bisayang estibador at labanderang Waray ang alkalde ng Maynila.
Batang basurero, laking-kalye, sinuwerte sa showbiz, nagtiyagang mag-aral, madiskarte at di- double-speak.
Si Isko ang tipo ng kandidatong presidente na hindi mahirap mahalin ng mga botante.
Masipag siya, at parang hindi napapagod magtrabaho kaya maraming nagtatanong kung “natutulog” pa ba si Yorme Isko?
Eh, paano raw siya mapapagod, sabi ni Mayor Domagoso, eh, kapag nginitian siya at pinasalamanatan ng tao, “nawawala ang pagod ko,… saka heaven magserbisyo sa tao.”
Nanalong Manila mayor si Kois sa botong 357,925 noong 2019 elections sa islogan niyang “Mas Aasenso Ang Bayan Pag Bata Ang Mayor”at ito kaya ang maging battle cry niya na “Mas Aasenso ang Pilipino, Pag si Isko Ang Pangulo!”
Kung pipiliin niyang mag-reelect, sigurado na ang panalo niya, pero kung pagka-Pangulo o VP tatakbuhan niya, ‘he is the man to beat,’ sabi ng mga miron.
Pero ngayon, ngiting Mona Lisa lamang ang sagot ni Yorme Isko pag tinatanong sa plano niya sa 2022.
Dami pang nagkakasakit sa COVID-19, dami pang problema sa cityhall, dami pa ang jobless, talamak pa ang krimen, pagagandahin at palalakasin pa niya ang ekonomiya ng Maynila.
“Eeskobahin ko, hihiluran ko muna ang Maynila,” sabi niya, kaya maganda, maayos na ang marami sa dating marurumi, mababaho, magugulo at masikip na lugar at pasilidad sa lungsod.
Paano mong iiwan ang alkaldeng ito, eh, pusong Pilipino ang nasa dibdib ni Kois.
***
Kung ang kantiyaw sa ibang presidentiables kuno e walang alam at walang karanasan sa serbisyo publiko, dyan lamang si Mayor Moreno.
Bago naging alkalde ng Maynila, si Isko ay naging outstanding councilor, three-time vice mayor (2007-2016); naging DSWD USec for Luzon Affairs, Board Member ng North Luzon Railyways at naging vice-chairman ng Manila Heritage Commission.
Upang mapatalas ang executive capability, nag-aral si Mayor Isko ng tungkol sa local legislation and local finance sa University of the Philippines; public administration sa Pamantasang Lungsod ng Maynila; leadership and governance sa John F. Kennedy School of Government, Harvard University at sa Said Business School, University of Oxford; at umabot ng 2nd year sa College of Law sa Arellano University.
Mahalaga ang edukasyon para sa Batang Maynila, ipinatupad ni Yorme ang P1,000 monthly allowance sa mga estudyante ng PLM at Universidad de Manila at P500 monthly sa lahat ng grade 12 sa public schools.
Ang milyon-milyong pisong talent fee niya bilang modelo at endorser ng iba-ibang produkto ay idinonasyon niya para pambili ng tablets at iba pang electronic gadgets ng mga mag-aaral, bukod ang food package at vitamins.
P8.8 milyon na talent fee niya ay ibinigay sa PGH at ang iba ay tulong sa mga biktima ng lindol noon sa Cotabato.
“Isosoga ko katawan ko, gagasgasin ko katawan ko, gagawin ko lahat para pakinabangan ako ng maraming tao,” sabi niya.
Siguro kahit “ibenta” ang katawan, gagawin ni Mayor Moreno para sa ikabubuti ng Pilipino?
***
Alam ba ninyo, for the first time, wala nang gaanong debate-debate sa City Council kaya ang bilis, agad-agad na naookeyan, napopondohan ang mga programa at proyekto sa Maynila?
Bukod sa allowance ng mga lehitimong seniors, single parents at PWDs, inokeyan ng Manila Council ang Food Security Program (FSP) para sa 700,000 poor families para sa kanilang buwanang suplay na pagkain at itong ayudang ito ay tatagal hanggang ngayong Hulyo 2021.
Kung may makukuha pang pondo, baka ituloy itong suplay na tatlong kilong bigas, 16 na de latang pagkain, at anim na sacket/pakete ng kape hanggang Disyembre kung di pa luluwag ang ekonomiya, gawa ng COVID-19.
Tuloy-tuloy ang mass vaccination at kasali rito ang kahit hindi taga-Maynila, kasi nga nais ni Mayor Isko, maabot ang herd immunity sa lungsod.
Sabi niya, ang gamot ay hindi ipinagdaramot!
Noon pang Marso 2, 2021 sinimulan ang mass vaccination sa Maynila: ganyan kabilis umaksyon ang Aksyong Isko.
***
Para matiyak ang bisa ng bakuna, agad na ipinaayos ni Yorme Isko ang COVID-19 Vaccine Storage Facility na may 12 biomedical freezers para masiguro ang lamig at temparatura ng libo-libong COVID-19 vials.
Para walang putol ang suplay ng koryente, pinalagyan ito ng malalaking electric generator.
***
Open na sa publiko ang 4,402 square meter Manila COVID-19 Field Hospital sa loob ng Rizal Park’s 2.8-hectare Burnham Green na binuksan noong Araw ng Maynila.
Ito ay kayang tumanggap ng 344 na pasyenteng COVID-19.
Wala nang tambay ang Lagusnilad (Lacson Underpass) sa Quiapo na magandang pasyalan sa naka-display na mga larawang nagpapatingkad sa mahalagang papel ng Maynila sa kasaysayan ng bansa.
Sa mga iskwater, may Tondominium at Binondominium at may proyekto ngayon na gagawing business and tourism destination ang Malate na tatawaging “Korea Town.”
Iba talagang magtrabaho sa tao si Yorme Isko.
At totoo ba ang balita, na tinatarget si Moreno ng Nacionalista, UNA, NUP, Liberal, 1Sambayan, Lakas-NUCD, NPC at iba pang political party na kandidato nila sa 2022 presidential elections?
***
Sa kabila ng pagsusumikap ng butihing Bureau of Customs (BoC) Comm. Rey Leonardo “Jagger” Guerrero na patinuin at linisin sa iligal na gawain ang ahensya ay meron pa ring iilan na pasaway.
Ang tinutukoy natin ay ang ilang reklamo na ipinarating sa atin – na may isang opisyal ng Intelligence Division ng Customs Intelligence and Investigation Service na may inisyal na ‘T.T’ ang lantarang gumagawa ng kabalbalan sa ilang importer/broker para i-hold o ipa-alert ang ilan nilang mga kargamento
Ibig pong sabihin, sinisilip ni T.T ang ilang entries para di umano’y makapang-harass sa pamamagitan ng pag-iisyu ng alert orders at luminya sa kanya ang mga nagpaparating ng importasyon na nagbabayad ng tamang duties and taxes sa Customs.
Oh, IG Deputy Commissioner Raniel Ramiro at Comm. Jagger, alam kung hindi n’yo kinukunsinti tinotelerate ang mga ganitong uri ng gawain; kung ‘di nyo aaksyunan ay malamang na matulad kayo sa dating Depcom ng IG na pulos “bukol” ang inabot na umano’y kagagawan rin ni T.T at partner nitong natanggal na si ‘Abu Sarap.’
Tsk… Tsk… napakalungkot naman po kung walang aksyong gagawin, mga kaibigan.
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).