Banner Before Header

Sinovac: Para sa lahat, front-liners at nakatatanda

0 206
ANG taimtim na pangako ni Pangulong Xi Jinping ng Tsina na pagbibigay ng libreng bakuna sa Pilipinas ay inaasahang dumating na kahapon, araw ng Linggo, Pebrero 28, 2021.

Sa bansang Tsina ang pangako ay tinutupad dahil mahalaga sa kanila ang bawat kataga na kanilang sinasambit.

Hindi kagaya sa ibang bansa na may sinasabing “demokratiko,” ang mga pulitikong liberal ay madaling magbago ng desisyon kada sasapit ang eleksyon, kung kaya’t ang pangako ay napapako.

Bagaman dumating na ang Sinovac ng Tsina  sa Pilipinas at nabigyan na ng Emergency Use Authorization (EUA), ang pagtuturok nito sa mga Pilipino ay nalimitahan.

Ang mga Pilipino na edad 18 pababa at edad 59 pataas ay hindi muna tuturukan ng bakuna. Ganoon din sa mga frontline workers gaya ng doctor, nurses at mga health workers – hindi muna matuturukan ng Sinovac.

Ang nakapagtataka lang ay ang Sinovac at Sinopharm ay bakunang galing sa inactivated virus o hindi aktibong virus na nagamit at nasubukan na mabisa at ligtas sa nakalipas na ilang daang taon, sapul ng “maimbento” ang bakuna.

Sa Brazil, ginamit ang Sinovac sa mga health workers at lumabas 100 porsiyento na mabisa sa pagpapagaling mula sa mga kasong moderate hanggang sa malalang kaso ng COVID19.

Ayon kay Dr. Lulu Bravo, Chairperson ng Philippine Medical Association sa isang interbyu sa ANC, nagkaroon ng mainit na debate ukol sa pagtuturok ng Sinovac sa mga frontline workers.

Sa totoo lang hinihintay ang pagdating ng mga bakuna mula sa mga kanluraning bansa para magamit sa mga health workers.

Bakit? Dahil ba ayon sa kanilang pahayag ay mas mabisa ang mga bakunang mula sa Kanluran? O di kaya masyado nang malalim ang mga pabor na binigay ng mga higanteng pagawaan ng gamot o big pharmaceutical companies?

Ganoon din sa mga nakatatanda, kung bakit ayaw ipagamit ang Sinovac samantalang ang mga lider ng iba’t ibang bansa ay nagpaturok ng Sinovac na isina-publiko pa.

Ang Vice-President ng Indonesia (77 anyos), Pangulo ng Turkey (66 anyos), Pangulo ng Chile (71 anyos) at Pangulo ng Indonesia (60 anyos).

Masasabi tuloy natin na ang mga bansang ito ay wala ng natitirang latak ng kolonyal na metalidad (colonial mentality) at bukas sila sa paggamit ng bakuna mula sa Tsina o sa mga bansang nasa Silangan.

Ang hindi pagsasabi ng tunay na mga datos ng mga bakuna mula sa mga bansang Kanluran ay paghahasik ng kalituhan at maaaring kapahamakan sa mga gagamit nito.

Kasama ang Pilipinas sa mga naghihintay para makapagbakuna sa nakararaming Pilipino at makapagsimula nang dahan-dahan sa normal na buhay. Mapalad pa rin tayo dahil narito tayo sa lugar na maganda ang klima at napaliligiran ng mga bahagi ng tubig.

Matapos na sana ang problema ng COVID19 para muling sumigla ang ating turismo dahil napakalaki na ang nawala sa atin at patuloy na nawawala, ang kasagutan “vaccine passport”.

Kailangan din natin ng bakuna laban sa rasismo o racism lalo na sa mainstream media na nagdulot ng malaking pagkalugi sa ekonomiya at kalusugan ng bansa.

Kagaya ng isinulat sa bagong aklat ng ating kabansa na si Ado Paglinawan, ang, “No Vaccine for a Virus called Racism.”

Samantala hihintayin natin ang Philippine vaccine panel upang bigyan ng konsiderasyon ang pagbibigay limitasyon sa bibigyan ng Sinovac.

(Samahan si Ka Mentong Laurel at mga panauhin sa “Power Thinks” tuwing Miyerkules @6pm Live Global Talk News Radio (GTNR) sa Facebook at sa Talk News TV sa You Tube; at tuwing Linggo 8 to 10am sa RP1 738khz AM sa radyo.)

Leave A Reply