Banner Before Header

Suporta sa bagong gobyerno pangako ni Yorme; Mabunying tagumpay kay Mayora Honey, VM Servo

0 315
MAGINOONG tinanggap ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang tinig ng bayan sa katatapos nating eleksiyon, Mayo 9, 2022.

Sinusulat natin ito, ayon sa hindi pa opisyal ng canvassing ng mga boto, mahigit sa 31 milyon ng ating mga kababayan na ang piniling pangulo ay si dating senador Bongbong Marcos; kasunod si Vice President Leni sa ikalawang puwesto sa nakuhang mahigit na 14.7 milyong boto.

Sa kanyang Facebook live video, mahinahong sinabi ni Yorme Isko, “Mayroon na pong pinili ang taumbayan…I hope it can be official soon.”

Kasunod nito, binati rin niya ang sigurado ring nanalong bise-presidente, si Davao City Mayor Sara Duterte – na tulad ni BBM ay kumuha ng mahigit ding 31 milyong boto.

Ang panalo nina Marcos Jr. at Duterte ay maitatala na pinakamalaking botong nakuha ng magkatiket sa lahat ng eleksyong nangyari sa Pilipinas.

Dahil dito, dapat ngang igalang ito, tulad ng sabi ni Yorme Isko, aniya: “Irespeto natin ang boto ng ating mga kababayan, mahirap, middle class, mayaman, iisa ang bilang.”

Sinusulat natin ito, may pahayag na rin si Robredo na kailangan nang igalang ang lumalabas na mga numero – na pahiwatig ng pagtanggap ng panalo ni BBM.

Pero may pasubali si VP Leni na pinag-aaralan pa ng kanyang kampo ang susunod na mga hakbang, ito raw ay dahil sa mga ulat na iregularidad sa pagbilang ng mga boto.

At nasaksihan natin nang live sa social media at telebisyon ang ginanap na protesta-rally sa harap ng HQ ng Comelec sa Maynila na isinisigaw ang bintang na dayaan, at ang di-pagtitiwala sa resulta ng eleksyon.

Marami sa mga nagprotesta ay mga grupong relihiyoso sa pamumuno ng kilalang ‘running priest’, Fr. Roberto Reyes, at mga estudyante ng UP, San Beda, FEU at mga ‘Kakampinks’ ni VP Robredo.

Para ngang nagkakatotoo na ang babala noon ni Yorme Isko na kung mananalo si BBM, magpapatuloy ang away politika at mahihirapan ang matagal na nating pagkakaisang diwa bilang iisang pamilyang Pilipino.

Ang kapayapaang iniaalok ni Isko ay siya sanang pinapangarap natin, at kahit nabigo ngayong eleksiyon, kahanga-hanga ang statemanship ng alkalde ng Maynila.

Ang panawagan niya: “… huwag tayo makikisali sa anumang kaguluhan sapagkat wala pong buting idudulot ‘yan sa ating bansa, sa ating komunidad, sa ating buhay.”

Ituloy na natin ang buhay sa araw-araw na pagharap sa problema, aniya: ” Life must go on. We must support,” na tinutukoy ni Yorme na suportahan ang darating na bagong administrasyon, at makiisa sa pagbubuo ng bagong gobyerno.

Tulad ni BBM, pagkakaisa ng lahat ng Pilipino ang sigaw ni Yorme Isko, at kung si Kois ang nanalo, ang kanyang mantra, siya ay magiging “Healing President.”

Hindi man nagtagumpay, ito pa rin ang pinapangarap ni Yorme, pagkakaisa, at ang paghilom ng mga sugat na nalikha ng hidwaang politika.

Natatandaan ko ang sinabi ni Yorme Isko: ang eleksiyon ay isang araw lamang at matapos ito, pagkakaisa at suporta sa sinomang magwawagi ang tungkulin ng bawat tunay na nagmamahal na Pilipino sa ating watawat ng Pilipinas.

Pagkakaisa ang nais ni Yorme Isko, at sabi nga niya, mabibigo tayo bilang bansa kung ” patuloy po ang ating hinagpis, kalungkutan, o maaring baka mayroon pa tayong sama ng loob.”

Mariin ang panawagan ni Yorme sa ating lahat: “Kailangan natin magkaisa, tulungan ang bagong pinili ng ating mga kababayan.”

Sa sinabing ito, sanlibong saludo kay Yorme Isko!

***

Isang mainit na pagbati kay Vice Mayor Maria Shielah ‘Honey’ Lacuna-Pangan na iprinoklamang nanalong mayor nitong Miyerkoles, May 11, 2022, sa Manila City Council Session Hall, at naitala na unang babaeng alkalde ng premier City of Manila.

Umabot sa 526,054 boto ang nakuha ni VM Honey – na malakas na isinalya ang limang katunggali sa pagka-alkalde, ayon sa resulta ng higit 95 porsiyento ng mga presintong nabilang na ang mga boto.

Panalo rin ang katiket ni “Mayora Honey Lacuna” na si Manila 3rd District Rep. Yul Servo Nieto na kumabig ng 573,562 boto laban sa mga katunggali sa pagka-vice mayor.

Mainit na pagbati natin sa magkatandem na bagong administrasyon ng Maynila sa ilalim ng banderang Asenso Manileno/Aksyon Demokratiko.

Dalawang ulit na na nagsilbing bise-alkalde ang doktorang anak ni dating Manila Vice Mayor Danilo Lacuna: si “Mayora Honey” ay naging bise alkalde sa administrasyon noon ni Mayor President Joseph ‘Erap Estrada’ Ejercito (2016) at ngayon nga sa liderato ni Yorme Isko (2019).

Mula sa inyong lingkod, mabunying tagumpay sa inyo po, bagong Mayora Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo Nieto, at sa lahat ng nagwaging konsehal at kongresista ng anim na distrito ng Maynila, mabuhay po kayo.

***

Magreretiro na ba sa politika si Yorme Isko?

Well, matapos magpahinga sa nakapapagod na kampanya, sinabi ni Isko na kailangang tuparin ang naipangako sa kanyang misis.

Magbabawi raw siya at pamilya ang uunahin.

“Malaki ang utang ko sa aking pamilya. Sila muna ngayon at saka na ang ibang plano …,” sabi niya.

Magiging busy siya, kapag nakabawi na siya sa kanyang pamilya at posible, baka magbalik pelikula si Yorme, lalo na at baka maging ‘stage father’ siya kay Joaquin na isa nang sikat na modelo at artista sa pelikula.

Balik uli sa gobyerno — ah, sa ngayon, ibang proyekto ang aasikasuhin ng alkaldeng maraming magagandang akomplisment ang iiwan sa kamay ni “Mayora Honey.”

Ngunit ang tiyak, sabi ni Yorme Isko, tutulong siya sa pagbubuo ng bansa at susuporta sa bagong gobyerno, dahil una sa lahat, “tayo po ay nangakong magiging mabuting Pilipino.”

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply