Banner Before Header

“Umaapaw na tulong” sa mga OFWs at DFA, ano na?

0 242
NGAYONG Lunes, Hunyo 7, 2021, ipinagdiwang ng bansa ang ‘National Migrant Workers Day’ bilang pagkilala sa sakripisyo, kabayanihan at malaking ambag ng ating mga OFWs sa kaban ng bayan. Sa ngayon, mahigit 10 milyong OFWs at Filipino Nationals ang nakakalat sa 195 bansa sa buong mundo.

Kabilang ang mga OFWs sa matinding tinamaan ng pandemyang COVID-19.

Kahit na maraming Filipino nurses at medical frontliners ang inaasahan ngayon ng maraming bansa gaya ng Amerika, United Kingdom at iba pang bansa sa buong mundo para labanan ang COVID-19, libo-libo ding OFWs at mga Pinoy ang nawalan ng hanapbuhay, nagkasakit, binawian ng buhay, at bumalik na sa bansa dahil nawalan na sila ng kikitain sa ibang bansa.

Mahigpit ang tagubilin ni Pang. Rody na “pangalagaan” at isulong ang kapakanan ng mga OFWs dahil para sa kanya ang mga OFWs ay “no slave to no one.”

Kaya nga isa ito sa isinapuso ni dating Speaker Alan Peter Cayetano kahit noong sya pa ang kalihim ng Department of Foreign Affairs o DFA.

Alam naman natin na maraming mga programa ang ginawa ni Cayetano mula noon hanggang ngayon para sa mga OFWs gaya na lamang ng pagtaas ng Assistance to Nationals o ATN Fund sa P1B noong 2018 na halos kapareho sa laki ng ATN Fund sa pinagsamang tatlong taon, mula noong 2015 hanggang 2017.

Dinoble din sa P200M ang Legal Assistance Fund ng DFA sa ilalim gg liderato ni Cayetano upang mas marami ang matulungan na mga OFWs na may kinakaharap na kaso.

Tinanggal din ang ‘cap’ o limistayon sa professional fee ng mga abogado, litigasyon at iba pang gastusin sa korte para sa mga OFWs na may mga immigration cases at may mga labor, police at criminal cases.

Kaya naman kaya na ng DFA at ng ating mga embahada sa buong mundo na kumuha ng mga magagaling na abogado para sa ating mga OFWs.

Pinangunahan at isinulong din ni Cayetano noon ang adoption ng United Nations “Global Compact for Safe, Orderly and Regular Migration” bilang gabay para magkaroon ng disenteng trabaho ang mga OFWs at pangangalaga sa kanila laban sa iba’t ibang paraan ng krimen at pang-aabuso.

Isinulong din ng DFA sa panunungkulan ni Cayetano ang reporma ng ‘Kafala System’ (s[ponsorship) sa Middle East.

Ang Kafala System ay itinuturing ng mga human rights group bilang modern day slavery pero nagkaroon na ito ng reporma sa Qatar, Bahrain, at Saudi Arabia bunga ng pagsisikap ng administrasyong Duterte para proteksyunan ang mga OFWs.

At syempre pa, sino ba naman ang makakalimot sa 10-year validity ng passport sa bansa mula sa dating limang taon?

Umabot din sa 30,000 ang kada araw na passport capacity ng DFA mula sa dating 6,000 kada araw na passport capacity nito.

Ito ay dahil ipinatupad ng ahensya ang e-payment sa passport application, passport on wheels, special lanes para sa amga OFWs, senior citizens, PWDs, buntis at mga bata.

Hanggang maging ‘Speaker of the House,’ dala pa din ni Cayetano ang hangarin na tulungan ang mga OFWs dahil pinangunahan nya sa Kamara ang pag-apruba sa panukalang Department of OFW (DOFil).

Tinaasan din ng P820M ang ATN fund para sa repatriation ng mga OFWs na apektado ng COVID-19.

Sa ngayon, umaabot na sa 400,000 ang mga OFWs na nakauwi dahil sa COVID-19.

Kaya sa ating mga OFWs, mga abagong bayani ng ating bansa, saludo!

At napag-usapan na rin lang ang mga OFWs, DFA secretary Teddy Boy Locsin, baka gusto mong tulungan itong si OFW April Evangelista Agena ng Bauan, Batangas.

Ang siste kasi, kumukuha siya ng passport para makapagtrabaho sa labas ng bansa.

At binigyan naman siya ng ‘confirmed schedule’ para maproseso ang kanyang pasaporte noon pang Hunyo 2, 2021.

Galak na galak na sa wakas ay makakatulong na siya sa pamilya, bumili na ng tiket (KLM Airlines) at ang alis ay sa Hunyo 20, 2021.

Ano ang problema, mahal na Pang. Rody at ex-Speaker Alan Cayetano? Eh, mantakin ba naman na pagdating niya sa DFA, “bumalik” na lang daw siya—ayon sa guwardiya– sa susunod na buwan, sa Hulyo dahil “uunahin” pa ang mga aplikante na natengga noong pang Marso at Abril.

Aber, ordinaryong “jaguar” na lang pala ang nagdedesisyon ngayon d’yan sa DFA kung sino sa mga aplikante na mabibigyan ng pasaporte?

At para saan pa yang ‘electronic system’ ninyo d’yan sa DFA kung ganyan din pala ang sistema? Na kayang balewalain lang ng isang guawardiya?

Paano naman itong si April Evangelista Agena at mga katulad niya? “Nganga” na lang at maghinagpis dahil “palpak” ang sistema at serbisyo ng DFA sa ilalim ni Sec. Teddy Boy?

Baka gusto mong magpakitang gilas dito, Sec. Teddy or Rep. Alan at matulungan si April, eh, siguradong matutuwa siya at ang kanyang pamilya!

Abangan!

Leave A Reply