MAS mabilis kumilos, mas masigasig, mas bukas ang isip sa mga pagsubok at pagbabago.
Ito ang isinagot ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’’ Domagoso sa kritisismo na siya ay bata pa, walang malawak na karanasan at hindi nararapat na mag-ambisyong maging pangulo ng Pilipinas.
Sa mga kandidato sa panguluhan, si Yorme Isko ang pinakabata sa edad na 47-anyos.
Ang tulad niya, paliwanag ni Isko ang mas madaling makatrabaho ng iba’t ibang kapartido o grupo.
“So I think it’s high time, hindi naman siguro masama, na makapamili tayo ng iba naman sa ating bansa,” sabi pa ni Yorme.
Maraming kabataan ang magagaling na lider ng kanilang bansa, sabi ni Yorme Isko at binanggit si dating Presidente Ramon Magsaysay, mga dating US President John F. Kennedy at Barack Obama at si Canadian Prime Minister Justin Trudeau.
***
Mas pabor ang inyong lingkod sa pasya ni Yorme Isko na matapang nating tindigan ang ating angking karapatan sa teritoryo sa karagatang nasasakop ng ating exclusive economic zone (EEZ) sa West Philippine Sea (WPS).
Atin ang WPS – na tinatawag na South China Sea ng Beijing – na isa sa mainit na isyung diplomatiko na kailangang harapin ni Yorme Isko, kung siya ang papalaring ihalal nating pangulo sa Mayo 2022.
Mula nang maipanalo ng Pilipinas ang pag-angkin sa WPS sa iginawad na award ng International Court of Arbitration (ICA) sa Hague, The Netherlands, nagsimula ang harassment sa ating mangingisdang Pilipino – na daang taon na malayang napangingisdaan natin.
Tama lang sa isang may paninindigang lider ng bansa na igiit ang soberenya natin sa WPS at ito ang ipinangakong paninindigan ng kandidatong pangulo ng Aksyon Demokratiko.
Uunahin niya ang kalayaan natin na makapangisda at kung itaboy, takutin at guluhin, sinabi ni Yorme Isko na maglalagay siya ng pwersang dagat na poprotekta sa ating mangingisda.
Sa miting niya noon sa mangingisda ng Zambales, naramdaman ni Isko ang hirap na dinaranas ng mangingisda – sila ay itinataboy, pinasasabugan ng bombang tubig at binabarako ng mga sundalong militia ng China.
Nangyayaring ang nahuli nilang isda – na pantawid gutom ng pamilya ay kinukumpiska, kalakip ang bantang wag nang bumalik pa at tigilan na ang pangingisda sa lugar na noon ay malaya na napangingisdaan.
Kung siya ang pangulo, hindi siya papapayag na maulit ang nangyaring pambabarako, ipinangako ni Yorme Isko na pangangalagaan niya ang kaligtasan ng ating mangingisda.
“Hindi kayo maitataboy, hindi ako papayag na masaktan kayo,” pangako ni Isko sa mangingisda sa Zambales, at muli niya itong inulit nang itanong ang gagawin sa isyu ng WPS kung siya ang maging pangulo.
“Hindi na uli mangyayari iyan,” sabi ni Yorme Isko at ipipilit niya sa China na igalang, tanggapin ang 2016 arbitration award ng ICA sa Pilipinas.
Alam niya, magiging mahirap na gawin na ipatanggap sa China ang gawad na panalo sa ICA pero, ano man ang mangyari, ipaglalaban ni Yorme ang angking karapatan natin sa WPS.
Upang malayang makapangisda sa WPS, ipinangako ni Yorme Isko na isa sa gagawin niya ay palakasin ang Philippine Navy at ng Philippine Coast Guard.
Nabanggit nga ni Kois na isang magaling na Navy officer ang hihirangin niyang Defense Secretary upang mas mabigyang proteksyon at mabantayan ang mahaba at malawak na coastal areas ng Pilipinas.
Kung magagawa ito, kasama ang mga barko ng PN at ng PCG, mababantayang mabuti ang kaligtasan ng mangingisdang Pilipino sa ating teritoryo.
Alam ni Isko ang mahina nating lakas militar at inamin na hindi natin sa ngayon makakayang sumabak sa isang digmaan sa pagtatanggol sa ating karagatan laban sa China.
Hindi natin kaya ang lakas pandagat ng China, pero kahit ano pa ang mangyari, ilalaban niya, sabi ni Yorme Isko, ang soberenya ng Pilipinas sa kahit anong bansa na nais tayong sakupin.
Ito ang katangian ng panunungkulang kailangan natin ngayon, isang lideratong hindi papayag na isuko ang ating karapatan at soberenya bilang isang demokrasya at malayang bansa.
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).