Banner Before Header

Yorme Isko on his way to the road to the presidency?

0 630
MARAMI nang nagtanong nito – kaya ba nating magkaroon ng malinis na pamamahala?

Kaya nga bang matuldukan ang kabulukan at katiwalian sa gobyerno?

Hindi madali na labanan ang kasamaan at katiwalian, lalong hindi madali ang manindigan sa katotohanan.

Maraming beses na nating nasaksihan sa maraming pagkakataon, na ang nasa tama at nasa wasto ay madalas na nailalantad na siyang “may kasalanan” at ang totoong kriminal ay nabibiyayaan pa ng korona ng parangal.

Marami pang mga ganitong kuwento at karanasan na ang pagsuwag sa katiwalian ay hindi madaling ipanalo.

Maraming kakampi ang kasamaan, at tanging ang matibay na paninindigan, matibay na pagtitiwala na ang baluktot kahit gaano pa kalalim ang pagkakatago, ito ay lulutang upang maituwid sa pagkabaluktot.

Nasa taong bayan ang sagot sa tanong na kaya ba nating matuldukan ang mga katiwalian?

***

Aminin na natin na kung ang kasalukuyang nakaupong senador at kongresista sa Senado at Kamara de Representates ang aasahan, aabutin pa ng maraming dekada para tuluyang mabura sa mapa ng bansa ang dinastiya ng mga angkan nang mga politikong “sila-sila” at “kami-kami lamang” ang kultura.

Magkukulang ang pitak na ito kung ililista natin ang pangalan ng mga angkan at pamilyang “sila-sila” na lamang ang nagpapalitan bilang mayor, governor, konsehal at kongresista sa kanilang mga lugar – na para bang may titulo sila sa kapangyarihan gayong ang puwesto ay dapat na ibinibigay ng mga botante.

Kung namamayani ang political dynasty, hindi naman ito kasalanan lamang ng mga pulitiko kungdi ng mismong mga botante.

Mananatili ang dinastiya ng politika sa Pilipinas dahil hindi pa rin kasi tumitino ang mga botante, at ang Comelec kahit na nga ito ay gumagamit na ng teknolohiya ng computer ay hindi pa rin matutong magbilang nang wasto at walang daya.

***

Isa sa mga prayoridad ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ay ang pagtataas ng uri ng sistema ng pagtuturo at edukasyon sa Maynila; at ang pagbibigay ng disente at marangal na pasahod sa mga guro.

At dahil dyan ay kaliwa’t kanan ang pagpapatayo ng magagarang school buildings sa anim na distrito ng Maynila na ang mga classroom ay naka-aircondition and with elevators at iba pa.

Madalas ring sinasabi ni Yorme Isko: Kung may trabaho at maayos na pinagkakakitaan ang bawat pamilya, mababawasan ang kahirapan.

Malaki ang puso ni Yorme Kois sa mga maralitang tagalungsod at ang paniwala niya, wala dapat na iskwater sa Maynila.

Kaya pinamamadali na niya ang konstrukyon at pagpapatayo ng Tondominium 1, Tondominium 2 at Binondominium para malutas na ang matagal nang problema ng disenteng pabahay sa mga iskwater.

***

Tandaan lagi na ang tungkulin ni Yorme Isko at ang lahat ng nasa city hall ay ang tunay na maglingkod – hindi paglilingkod na basta na lamang kungdi paglilingkod na kalakip ang sakripisyo at ang hangaring totoong makapagsilbi sa bayan.

Aminado si Yorme Kois: Kung siya lamang, hindi niya magagawa ang lahat ng pangakong maibalik ang ganda at dangal ng Maynila.

“Kailangan ko po ang tulong ng lahat … dapat ay magtulungan para ang Maynila ay magawa natin isa uling progresibong siyudad sa mundo tulad ng Hong Kong, Singapore, Taipei at Kuala Lumpur,” paliwanag ni Yorme Isko.

“Kailangan ko po ang tulong ng mga Batang Maynila … at sa tulong ng gabay at pagbabasbas ng ating Dakilang Diyos, walang imposible at walang magiging hadlang upang ang Maynila ay maging isa sa maunlad at progresibong siyudad sa bansa,” mataginting na sabi ni Yorme Isko.

***

Tungkol naman sa kabi-kabila at organisadong paninira at atake-personal sa katauhan ni Yorme Isko ay hindi na niya ito pinapansin.

Ani Yorme Isko, sawang-sawa na ang mga Batang Maynila at sambayanan sa maruming taktika at mapanirang propaganda.

Ang gusto nila na malaman eh, ano ba ang gagawin ng mga nagpupusturang mga kandidato para matulungan ang mahihirap at kung paano sila mabibigyan ng maayos at disenteng trabaho at pagkain sa hapag-kainan sa araw-araw.

Dahil nga isa si Yorme Isko sa matunog ang pangalan na tatakbong presidente ay kung ano-anong paninira at black propaganda ang ginagawa ng iilang umano’y malilinis at walang mga dungis.

Tunay na isang mahusay at magaling na public servant si Yorme sa panahong ito.

Dahil kaybilis ng iginanda at iniunlad ng Maynila, laging nangunguna sa survey si Yorme Kois.

Ngayon ang tamang panahon at sukatan ng husay, hindi ang nakaraang wala nang halaga.

Is Yorme Isko on his way to… the road to the presidency?

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply