BAKIT daw laging paturo sa itaas ang unang daliri sa kanang kamay ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso tuwing magtatalumpati o magbibigay ng mahalagang mensahe?
Pasuntok na kamao ang popular na hand sign ni Presidente Digong; “L” (Laban) sign naman ang Liberal Party.
Ang kay Yorme Isko naman ay paturo sa “itaas,” sa langit.
Kung padaop-palad tayo sa pagdarasal, ang paturong daliri naman, ay patungkol sa pananalig ni Yorme sa ating Amang Diyos.
Ang lahat, ay iniaasa ni Yorme Isko, sa basbas, kalinga at pagmamahal sa atin ng Panginoon.
Lahat ng bagay at kung anoman ang mayroon sa atin, lalo na ang buhay at lakas ay bunga ng awa at pag-ibig sa atin ng Maylikha.
Iyon ang ibig sabihin, iyon ang simbolo ng paturong daliri ni Yorme Isko na ang lahat ay iniaasa at hinihiling niya sa ating Panginoong Diyos.
Ito ang sagot ko sa mga nagtatanong sa akin, at marahil, ito rin ang paliwanag na sasabihin ni Yorme Isko.
***
Pruweba na una nga ang Diyos kay Yorme Isko at sa katiket niyang doktor ng Bayan na si Doc Willie Ong at mga kapamilya at supporters, umagang-umaga ng Lunes (Oktubre 4) ay nagsimba muna sila sa Santo Nino de Tondo Parish para humingi ng basbas, gabay sa ating Panginoong Diyos, bago sila nagfile ng kanilang COC (certificate of candidacy) sa Comelec. Si Yorme bilang pangulo at si Doc Willie bilang bise-presidente.
Destiny ang pagiging Presidente, sabi nga niya, at ang pagtitiwala sa magagawang milagro sa kanyang buhay ng ating Ama, ipinauubaya ni Yorme ang kandidatura niya at malinis na hangad na maglingkod sa ating bansa.
Kaya nga, maaliwalas ang pakiramdam nina Yorme Isko at Doc Willie nang magharap sila ng kanilang COC noon ding Oktubre 4 sa opisina ng Comelec bandang alas 11:30 ng umaga.
At bakit daw Oktubre 4 nag-file ng CoC si Yorme Isko? Eh kasi, iyon ang birthday ng kanyang showbiz mentor na si German Moreno at ito ay Feast Day ni St. Francis of Assisi.
Mas pinili ni St. Francis (na kapangalan ni Yorme na Francisco ang tunay na pangalan) na mabuhay sa piling ng mahihirap at kapos-palad.
At bago nga sila magpunta sa Sofitel, kasama si Vice Mayor Honey Lacuna, idinaos nila ang flag ceremony sa Manila city hall, at doon, pormal na inendorso ni Yorme Isko si doktora Honey Lacuna na siyang susunod na Manila mayor at si Cong. Yul Servo naman para vice mayor, na panigurado nang panalo sa next year elections.
***
Sabi ng grupong Lawyers for Yorme Isko, Convenors of Bedan Lawyers at Iskolars at iba pang labor at sectoral groups, kaya tiyak na tiyak sila na maitataguyod ni Yorme Isko ang kapakanan ng bansa, lalo na ang sektor ng mahihirap kasi, siya nga ay anak-mahirap.
Literal ito at hindi propaganda lamang dahil bukas na aklat na si Isko Moreno ay batang basurero, anak ng estibador sa North Harbor na si Joaquin Domagoso mula sa Antique at solong anak ng labandera at tagatalop ng bawang na si Rosario na tubong Northern Samar.
Salamat sa pagkaing pagpag at lumaking mabulas si Isko at salamat sa pulaw o lamayan ng patay sa Tundo at naispatan siya ng isang showbiz talent, at sabi nga, the rest is history.
***
Maghanda tayo sa puyatan sabi ni Yorme Isko kasi 24/7 siya na magtatrabaho bilang utusan ng bayan.
“Tayo po ay maglilingkod ng 24/7 tulad ng ginagawa natin sa Maynila,” sabi niya sa media.
Kaya ang pipiliin niya, sabi ni Yorme kung siya ang Pangulo, e yung matitibay sa puyatan, malalakas ang katawan, ayaw niya ng tutulog-tulog at lalong ayaw niya sa mga tolongges.
Aniya, itataas niya ang kalidad ng serbisyo sa bayan, at iaangat niya ang kalagayan sa buhay ng mga nasa ibabang lipunan.
Ayaw niya ng may magugutom, kasi alam ni Yorme Isko ang hirap ng nag-aalburotong tiyan na kumakalam sa gutom.
Alam niya ang hirap ng mahirap; alam niya ang hapdi ng mga magulang na walang maibigay na pagkain sa mga anak na umiiyak sa sakit ng tiyan sa gutom.
Pagbangon sa kahirapan ang isa sa unang tutukan ni Yorme Isko kung mananalo siya.
***
Kung iharap sa kanya ang batas na magbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN, hindi niya iyon haharangin, sabi ni Isko.
Itataguyod niya ang freedom of the press.
Dahil tao lamang tayo, sabi niya, may pagkakataon na nagkakamali siya sa desisyon at hindi siya magmamatigas na panindigan kahit ang mali.
Hindi depekto, sabi ni Yorme kung hindi tayo perpekto, kasi, wala namang perpektong tao.
Kaya raw ang kanyang gobyerno ay handang makinig sa lahat, maging ang upak at banat ng kanyang mga kritiko.
“Maraming mabubuting suggestion ang mga kritiko, lalo na yung mga kritikong para sa ikabubuti ng bayan, kaya, handa tayo na makinig sa kanila,” sabi ni Yorme Isko.
Pagkakaisahin ni Yorme Isko ang mamamayang Pilipino.
Healing President ang nais niya kung siya ang mauupo sa Malakanyang.
Ayaw niyang maging mapaghiganting Pangulo.
Ang gusto ni Yorme Isko ay Pangulo ng nagkakaisang Pilipino.
Ikaw NaISKO Sa 2022.
Pilipinas, God First!
(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).