Banner Before Header

Yorme Isko: Sisinag pa rin ang liwanag ng Kapaskuhan!

0 265
KUNG kailan makahihinga nang maluwag sa unti-unting pagluluwag ng health restrictions sa bansa, na paghahanda sa pagdiriwang ng Kapaskuhan, kung anong biro ng tadhana, hinagupit ng malakas na bagyong “Odette” ang ating mga kababayan sa mga lalawigan ng Visayas at Mindanao.

Tulad nang inaasahan, mabilis na kumilos ang Lungsod ng Maynila at agad, hiniling ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa City Council na magpasa ng isang  resolusyon – na agad namang ginawa ni Vice Mayor Honey Lacuna at ng mga konsehal – na naglaan ng P2.5 milyon upang maitulong sa mga sinalanta ni ‘Odette.’

Hindi lang iyon: nanawagan at nakiusap si Yorme Isko sa mga may maawaing puso na mga negosyante sa lungsod at sa mga kababayang maykaya na magbigay ng tulong – in cash or in kind.

At binabasa ninyo ito, tuloy-tuloy na ang pagdating ng pagkain, mga damit, gamot, bitamina, at iba pang tulong sa relief operations center ng Team Isko.

Nakatutuwang malaman, may ganito ring pagkilos ang marami pang taong gobyerno at mga indibidwal at patunay ito na buhay na buhay ang Bayanihang Pilipino na isang maipagkakapuring katangian natin.

Ang mga walang ikakayang Manilenyo, marami sa kanila ang hindi lamang nag-alay ng dalangin, tumutulong sila sa pagrerepake ng mga ayudang ipadadala sa mga sinalanta, at ito nga ay kapuri-puri at marapat na pasalamatan.

Patuloy pa rin ang pakiusap ni Yorme Isko sa lahat ng ‘Good Samaritans’ sa Maynila at iba pang lugar, lalo na sa mga kakilala at kaibigan ng alkalde, na sumama sa kilusang pagtulong sa kaawa-awa nating kababayan.

“Anoman ang inyong mapagpasiyang itulong, napakalaki po ng magagawa nito upang maibsan ang dinaranas na pighati at lungkot ng ating mga kababayan,” pakiusap ni Yorme – at marami ang tumutugon, patuloy ang pagdating ng tulong.

Sa panawagan ni Yorme Isko, marami ang nagsabi na handa silang umayuda sa fund-raising campaign na “Tulong ng Manilenyo sa mga Nasalanta ni Odette” na walang sinisino ang buong pusong mag-aambag ng makakaya.

Ipinagpauna na ng alkalde na ang kusang tulong na ito ay walang kinalaman sa politika, lalo na kilala si Yorme Isko sa mabilis na pagtulong sa kapwa.

***

Sa maraming pagkakataon, ang alkalde, at si Vice Mayor Lacuna at ang mga konsehal ng siyudad ng Maynila ay laging bukas-palad sa pagtulong sa ating kababayan.

Walang politika sa pagtulong: udyok ‘yon ng pagkamakatao, ng pagkamaka-Diyos.

Basta may maikakaya, basta may madudukot sa sariling bulsa, bukas-palad si Yorme Isko at Vice Mayor Honey sa pagtulong.

Noong pumutok ang Taal Volcano, hindi lang mga personal na pangangailangan ang dinala sa Batangas ng pamahalaang lokal ng Maynila.

Sumaklolo sa mga pininsala ang 25-tauhan ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRMMO) na tumulong sa paggamot sa mga maysakit, tumulong sa pagtatayo ng mga evacuation center.

Ito ay bukod sa dala nilang gamot, pagkain, face masks, inuming tubig at mga damit, kumot at blanket.

May ambulansiya pa, may pangkat ng pamatay-sunog at mga doktor at nars.

***

Hindi na bago sa mamamayang Manilenyo ang tumulong sa kababayan, lalo na nga at pinalad ang siyudad at mga kalapit-lungsod na ligtas sa hagupit ni Odette.

Ipinagpapasalamat ito ni Yorme Isko at upang personal na ipaabot ang pakikiramay at pag-ayuda, muling bumisita ang alkalde sa lalawigan ng Cebu, na bukod sa mga gamot at bitamina, bukod sa ambag na P1-milyon mula sa kabangyaman ng siyudad, mula sa sariling bulsa, nagbigay ng P1-milyon kay Gov. Gwen Garcia ang alkalde na tulong sa ginagawang rehabilitation effort ng pamahalaang panlalawigan.

Personal ding nagpapasalamat si Yorme Isko sa lahat ng hanggang ngayon ay nagpapadala ng tulong sa inilunsad niyang fund raising campaign na tulong sa mga biktima ni ‘Odette.’

Naniniwala siya, hindi man makagaganti ang mga sinalanta ng bagyo, ang sukli nito ay higit pa sa doble ng kaloob na tulong.

At sa awa ng Diyos, gagaan ang buhay at sisinag ang liwanag ng pagliligtas na siyang tunay na diwa ng Kapaskuhan!

***

Speaking of BSP (Bangko Sentral ng Pilipinas), ano ba kayo, wala kayong konsultasyon man lang sa biglang pag-aalis ng larawan ng mga bayani natin sa perang papel, tulad ng sanlibong piso?

Kaya nga ang hiling ni Yorme Isko, ipaliwanag ng BSP ang polisiya nito sa paglalagay ng larawan ng mga bayani sa pera natin.

Sabi ni Yorme, simbolo ng pagkabansa natin, tulad ng ating watawat at ng pambansang awit ang ating salapi.

Mahalaga na manatili ang larawan ng mga bayani natin na nagbuwis ng buhay para ating kalayaan, at hindi basta lang sila papalitan.

Kaya nga kung siya ang mananalong pangulo, nais niyang magbuo ng Department of National History and Culture na siyang mangangasiwa, mag-aalaga, magpapayaman at magsasaliksik sa ating kasaysayan at kultura upang mapanatili ang patriotismo, nasyonalismo at kultura ng ating pagiging Pilipino.

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply