Banner Before Header

Yorme Isko, “uukit” nga ba ng kabanata sa kasaysayan?

0 420
HUWAG sanang ipahintulot ng panahon na ang isang dating pangulo ay muling maipakulong dahil sa mga bintang ng pandarambong at iba pang krimen sa bayan.

Tiyak na maaalaala ng lahat ng Pilipino, maging ng kanyang mga kakampi, ang lahat ng kanyang ginawa noong siya ang pinakamakapangyarihang nilalang sa Malakanyang.

At baka ang mangyari ay kahit na hindi pa napapatunayan ang mga paratang na katiwalian at mga krimen na ginawa ng kanyang administrayon, guilty na siya sa hatol ng madlang Pinoy.

Kung ikaw ang dating nagpapakulong, e sa mga darating na panahon ikaw naman ang nais ipakulong.

Matatandaan na ipinakulong ang mga dating pangulo na sina former presidents Erap Estrada at Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa mga bintang ng pandarambong, korapsiyon at iba pang katiwalian sa bayan!

Ang tanong lamang ay ito: mangyari kaya ang bad karma kay Pangulong Rodrigo Roa Duterte, et al, na kinakitaan ng pang-aabuso, pagsasamantala at nagpakita ng yabang at kahambugan nang hawak pa nila ang ipinahiram na kapangyarihan ng Bayang Pinoy?

At sa halip na itanghal sa pedestal ng paghanga, pagdusta, paglait at paghamak ang kanilang matanggap?

Ang tawag dito ng karaniwang tao? “Gaba.”

Kung ano raw ang itinanim, sabi ng matatanda, ito ang iyong aanihin.

Kung ano ang tayog (taas) ng lipad, siyang lakas ng lagapak sa lupa.

***

May mahalagang payo ang Biblia tungkol sa tuwid at liko-likong landas.

Dalawang daan ang tinukoy ng Panginoong Jesus na dapat pagpilian ng mga tao, ang isa, isang makipot, pero tuwid na landas.

Bakit makipot ang tuwid na landas, at bakit kakaunti ang mga taong dumadaan sa tuwid na landas, tanong din sa Banal na Kasulatan.

Makipot, paliwanag ng Biblia, upang ang mga tao na may mga dala-dalang bagahe (bagahe –tumutukoy sa mga kasalanan, maitim na budhi at iba pang tiwaling gawain) ay mapilitang iwanan ang dala-dala nila, upang makapasok sa makipot pero tuwid na landas.

Sabi pa, sa maluwang pero liko-likong landas o tiwaling daan, marami ang nagsisipasok, pero sa dulo ng daan na ito, ang mga taong pumasok at dumaan ay tiyak na mapapahamak.

***

Pinakamahalagang karapatan na pinoprotektahan ng ating Saligang Batas ay ang freedom of the press, freedom of expression at ang freedom of assembly.

Kabilang din sa mahahalagang utos ng Konstitusyon ay ang tungkol sa “no law shall be pass abridging the freedom of the press” at ang probisyon tungkol sa “no prior restraint” sa pamamahayag.

Ibig sabihin, hindi pinapayagan ang isang pinuno na gumawa ng mga hakbang upang pigilan o hadlangan ang mga karapatang ito na taglay ng mga mamamahayag.

***

Hindi po totoo ang karaniwang paniniwala na ang isang kawani o opisyal ng Bureau of Customs (BoC) ay ‘nanagana o nagkakamal ng salapi.’

Iilan lamang sila at maaaring isama rito ang mga tiwali, pero ang pinakamaraming rank and file ay katulad din ng karaniwang taong pamahalaan na maliit ang sinasahod.

Pag-aralan na po sana nina Presidente Rodrigo Roa Duterte, Finance Secretary Carlos “Sonny” Dominguez at Customs Commissioner Rey Leonardo “Jagger” Guerrero na itaas ang sahod ng mga taga-BoC at mabigyan sila ng dagdag na benepisyo – tulad ng pabahay, tulong sa edukasyon ng kanilang mga anak, programa sa kalusugan, maayos na retirement package at iba pang insentibo.

***

Kabi-kabila na ang naghihikayat kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso para tumakbong pangulo sa 2022 elections.

Dahil nakita raw nila ang katapatan at husay nito sa pamamalakad kaya kaybilis ng iginanda at iniunlad ng Maynila, at laging nangunguna sa survey si Yorme Isko dahil nga sa maraming proyekto at programa nito.

Ngayon na raw ang tamang panahon at sukatan ng husay, hindi ang nakaraang wala nang halaga.

Kaya ang iba riyan ay kabado na, insecure at natatakot sa laki ng tsansang manalo si Yorme Isko come 2022 elections.

Si Yorme Isko na nga ba ang magtataguyod, uukit at lilikha ng bagong kabanata sa kasaysayan ng Pilipinas?

Kay Isko… ikaw at ako, tayong lahat ay Pilipino!

Pilipinas, God First!

***

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply