Banner Before Header

Yorme: The Isko Domagoso Story

0 364
KUNG susuwertehin, si Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso ang ikalawang artistang magiging pangulo – kasunod ni Mayor President Erap Estrada.

Si matinee idol at Sen. Rogelio dela Rosa sana ang unang aktor na naluklok sa Malakanyang kungdi siya umatras at nagbigay-daan sa bayaw niyang si Cong. Diosdado ‘Dadong’ Macapagal sa eleksiyon ng 1957 laban sa noon ay reeleksiyonistang Pres. Carlos Garcia.

‘True winner’ daw si Fernando Poe Jr., sabi ng misis na si Susan Roces sa paratang na dinaya ang action king, at malilimutan ba ang eskandalong ‘Hello Garci’ sa presidential elections noong 2004?

Malakas na tunay ang mahika ng popularidad ng showbiz kaya maraming artista ang nahalal sa iba-ibang puwesto sa gobyerno, nasyonal man o lokal: naririyan ang mga anak ni Mayor President Erap; mag-amang Ramon at Bong Revilla, Sen. Lito Lapid, Bulacan Gov. Daniel Fernando, Bacoor City Mayor Lani Mercado-Revilla, Mayor-Gov.-Cong. Vilma Santos, dating Camarines Sur Vice Gov. Imelda Papin, at maraming sikat na personalidad mula sa media.

May ilan ding hindi sinuwerte sa mga sikat na artista, pero iba ang istorya ni Yorme Isko.

Mula sa direksiyon at musikang likha ni Director Joven Tan, masasaksihan ng publiko ang mga hirap, pagtitiis at pagsisikap ng batang basurero si Isko, at kung paano siya nagtagumpay sa buhay at politika.

***

Gumanap bilang Iskong basurero si Raikko Mateo at sa buhay showbiz, gumanap na Isko si McCoy de Leon, at si Xian Lim naman ang gumanap na bidang Yorme ng Maynila sa pelikulang “Yorme: The Isko Domagoso Story.

Inspirasyon ng kabataan namulat at nakibaka sa buhay-mahirap ang kuwento ni Isko, sabi ni Direk Joven.

Dreamer, hard worker at survivor ang kabataang si Isko sa pelikula, at ang buhay at pakikipagsapalaran niya ay makikita ang totoong si Moreno.

“From time to time, he stumbles, gets not only physical but emotional bruises and scars, he laughs, weeps, hopes for a better tomorrow and today, a fighter and not a quitter,” sabi ni Direk Joven tungkol sa karakter ng aktor-politikong si Yorme Isko.

Madamdamin at punumpuno ng pag-asa ang 15 orihinal na awit na likha ni Direk Joven ang lalong magbibigay buhay at kulay sa buhay ni Totoy Isko (Raikko Mateo) na magbibigay-aral na matatamo ang tagumpay sa muli at muling pagbangon at paglakas mula sa mapait na kabiguan at pagbagsak.

Ipakikita sa pelikula ang katotohanan ng kasabihan, walang tagumpay sa pagsuko, tanging sa muling paglaban sa buhay, makakamit ang noon ay imposibleng pangarap.

Sa maraming “Listening Tour” ni Yorme Isko sa pagtakbo niya bilang pangulo sa eleksiyon sa Mayo 2022, lagi niyang sinasabi, libre ang mangarap at kung mangangarap, taasan na upang kung makuha ang kalahati ng pangarap, isang tagumpay na iyon.

Sa mga kabataang kaharap ay lagi sinasabi ni Yorme, iasa ang lahat sa awa ng Diyos kasabay ang sikap at tiyaga at sa dasal at pagtitiyaga, magiging masarap ang kakaining nilaga.

***

Iba pang artista sa pelikula ay sina Janno Gibbs bilang si master showman German Moreno; Jestoni Alarcon sa papel ni Daddy Wowie Roxas; pumapel na mga magulang niyang sina Joaquin Domagoso at Rosario Moreno ay sina Tina Paner and Ramon Christopher Gutierrez, at MJ Lastimosa sa papel ni Mrs. Diana Ditan-Moreno.

Nagbibigay saya sa pelikula sina Keempee de Leon, Jeffrey Santos, Lovely Rivero, Karen Timbol, Maricar De Mesa, Jennifer Mendoza, Bryle Mondejar, Ricky Rivero, Jojo Abellana, Manolet Rippol at Jovit Moya.

Bago ipalabas ang true-to-life story niya, pinanood ni Yorme ang pelikula at hindi maiwasang magbalik ang nakaraang buhay.

Sabi ni Direk Tan: “At first, he was pensive. It seems that he is enjoying the experience. Parang flashback sa kanya. His reactions were sincere and spontaneous lalo na kung detailed yung napapanood niya.

“He was in glee to see that in some of the scenes, he saw a former teacher. He even recollected the names of his classmates especially the ones who taunted and teased him before. He recalled the names of their neighbors.

“I observed that his eyes turned misty in some portions of the movie. While he’s watching, ako, siya naman pinapanood ko kasi kung ramdam niya yung pinagdaanan niya, I am sure ramdam na rin ng taong manonood ang mga hirap, tagumpay na nadaanan niya.”

***

Prodyus ang “Yorme: The Isko Domagoso Story” ng Saranggola Media Productions at co- produced at idi-distribute ng Viva Films at mapapanood simula sa Disyembre 1.

Sabi ang pelikula ay kung minsan ay mas mahiwaga kaysa tunay na buhay.

Biro nga ni Isko, kung siya ay “Yorme,” baka sa 2022, siya na ang “Lopangu” (Pangulo).

Mangyari nawa.

Ikaw NaISKO sa 2022.

Pilipinas, God First!

(Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com).

Leave A Reply